Sa hirap ng buhay, minsan ay hindi talaga natin mapigilang sumuko. Kasabay ng hirap ang mga pangungutya, panghuhusga, at pambababa mula sa kapwa. Sa lahat ng ito, tila ba’y gusto nalang natin magpalamon sa lupa.
Iyan ang naramdaman ni Melvin P. Villastique, 22 na taong gulang, noong inaalala niya ang kahirapang naranasan nila bago naging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Si Melvin ay mula sa Munisipalidad ng Naguilian, Isabela. Panganay siya sa tatlong magkakapatid. Ang kanilang ama ay isang farm laborer at ang kanilang ina naman ay dating Overseas Filipino Worker (OFW), na ngayo’y housewife na.
Bilang panganay, minabuti ni Melvin na magpakatatag upang magsilbing gabay sa kanyang mga kapatid. Pananaw niya, responsibilidad niyang tulungan ang kaniyang pamilya na makaahon sa kahirapan. Para rin kay Melvin, mas mainam nang tumayo sa sarili niyang mga paa upang maiwasan nang mahirapan sa pagkakayod ang kanyang mga magulang.
May mga pagkakataong nahuhuli niya na lamang ang kanyang sarili na umiiyak at nag-aalala. Hindi mapigilan ni Melvin na problemahin ang pagkukuhanan ng baon at pamasahe nilang magkakapatid papunta sa paaralan. Isa pa sa kaniyang mga pasanin ay ang paghahanap ng perang pangtustos sa kanilang pag-aaral.
Hindi niya inakalang aabot siya sa pagkakataong nagdarasal na lamang siya na may manlilibre o magbibigay sa kanya ng pananghalian, dahil lang siya ay walang wala na.
Sa gitna ng kaguluhan sa kaniyang buhay, patuloy pa rin na nananaig ang pag-asa sa kaniyang isip.
“Makakaya mo ito!” “Makakabawi ka rin sa mga magulang mo!” “Magkakatrabaho ka rin balang araw!” Iyan ang paulit-ulit na tumatakbo sa kaniyang puso’t isipan. Iyan ang mga salitang nagtutulak sa kaniya upang magsumikap.
Kasabay ng pagsisikap ang tulong na bigay ng 4Ps ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan Rehiyon Dos. Patuloy ang pagtanggap ng pamilya ni Melvin ng mga pinansyal na tulong mula sa programa; mga ayudang nakatulong sa kanilang pag-aaral.
Maliban sa kaalaman na bigay ng paaralan, marami ring napulot na aral si Melvin mula sa Family Development Sessions (FDS) ng 4Ps. Dito, mas natutunan niya kung paano maging isang responsableng anak. Mas naintindihan niya rin ang iba’t ibang paraan upang ayusin ang kanilang pamilya.
Ngayon, si Melvin ay nakapagtapos na sa kursong Bachelor in Science of Secondary Education, major in Mathematics sa Isabela State University – Ilagan City Campus.
Ang kaniyang pangalawang kapatid naman ay nasa ika-tatlong taon niya na sa kolehiyo sa ICAT – Cauayan City, sa kursong Bachelor in Science in Criminology. Higit pa roon, ang kanilang bunsong kapatid naman ay patuloy sa pag-aaral bilang Grade 8 Student sa Naguilian National High School.
Patuloy pa rin ang pakikipaglaban ni Melvin para sa magandang kinabukasan. Ani niya, mahaba-haba pa ang kaniyang lalakbayin. Nagsisimula pa lang ang kanyang pagsasapalaran sa mundo ng pagtratrabaho.
Ngunit kahit ganoon, malaki pa rin ang pasasalamat niya sa 4Ps dahil sa tulong na binigay ng programa para sa kanilang pag-aaral.
Ani niya, “bilang pioneer beneficiary ng 4Ps mula pa noong 2012, masaya ako at habang buhay kong tatanawing utang na loob sa gobyerno ang kung ano mang tagumpay na tinatamasa ko ngayon.”
Tunay ngang malaki ang ambag ng 4Ps sa pag-unlad ng bawat pamilyang Pilipino. Saan man sa rehiyon, patuloy pa rin ang pagbibigay nito ng maagap at mapagkalingang serbisyo!