DINAPIGUE, Isabela – Idinaos ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan Rehiyon Dos ang kauna-unahang coastal graduation ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa munisipalidad ng Dinapigue, Isabela, ngayong ika-2 ng Pebrero 2023.
Matapos sumailalim sa pagsusuri ng mga kawani ng kagawaran, apatnapu’t isang (41) pamilya ang kusang umalis sa 4Ps dahil nakamit na nila ang self-sufficiency level, o may kapasidad na silang mamuhay base sa sariling kakayahan, at hindi na kailangan ng dagdag na tulong galing sa gobyerno.
“Kami po ay simpleng magsasaka lamang. Sa tulong ng programa, nagkaroon kami ng pangsustento sa aming pamilya, lalong lalo na sa aming mga anak”, sabi ni Saturnina Apelado, isang 4Ps gradweyt.
Saad din ni Apelado, ang kanyang anak ay nakapagtapos na sa kursong Bachelor of Science in Agricultural Engineering at kasalukuyang nagtratrabaho sa munisipyo.
Samantala, kinilala din ang apat (4) na grantee ng Expanded Student’s Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation, o ESGP-PA, na matagumpay na nakatapos sa kolehiyo.
“Ang kinikita lang ng aming mga magulang ay hindi sapat sa aming mga magkakapatid. Ang kanilang hanapbuhay ay nakaayon lamang sa panahon dahil ang aking ina ay nagbebenta ng isda at ang aking ama ay matanda na. Ngayon, dahil sa programa, napagpatuloy ko ang aking pag-aaral at nakapagtapos na rin ako ng kolehiyo noong 2018.” Ani ni Aiza Artiaga, isang benepisyaryo ng ESGP-PA.
Dagdag pa ni Artiaga, ang mga natutunan nito sa programa ay malaking tulong sa kaniyang pagtratrabaho bilang isang guro sa isang integrated school sa munisipalidad.
Nilagdaan ni Regional Director Lucia Suyu-Alan at Hon. Vicente D. Mendoza, alkalde ng Dinapigue, ang Specific Implementation Agreement na naglalayong suportahan ang mga nagsipagtapos sa programa para mapanatili nila ang self-sufficient na antas ng pamumuhay.
“Ito ay hindi ordinaryong okasyon lamang. Ito ang patunay na may nanalo na. Simula sa araw na ito, kayo ay magsisilbing inspirasyon sa iba pang mga benepisyaryo ng programa na magpatuloy na magpursigi at magsumikap upang malampasan ang kahirapan”, ani ni Direktor Alan.
Malugod namang tinanggap ni Hon. Mendoza ang case folder ng mga nagsipagtapos at sinabing mas lalo pa nilang papaigtingin ang suporta para sa mga nagsipagtapos sa programang 4Ps.
“Kung wala ang sipag at tyaga ng mga kawani mula sa DSWD, hindi makakarating sa ating munisipalidad ang tulong mula sa programang 4Ps. Sama-sama nating tanggapin, tayong lahat mula sa Dinapigue, ang obligasyon, responsibilidad at tulong mula sa ahensya”, ani ni Mendoza.
Pinarangalan din ng ahensya ang Local Advisory Council na siyang kaagapay sa pagpapatupad ng 4Ps sa bayan ng Dinapigue. Kabilang dito ang mga kawani ng Philippine National Police, Rural Health Unit, at Lokal na Pamahalaan ng Dinapigue.