Sa isang maliit na bahay na binubuo ng tagpi-tagping yero at kahoy sa Probinsya ng Quirino, may isang batang lalakeng nagngangalang “Bhoy”. Sa isang tahanan na ang tanging ilaw ay gaserang aandap-andap kapag hinahampas ng hangin, siya ay nabigyan ng pagkakataong mangarap.
Sa kabila ng simpleng pamumuhay, para sa kanya ay nakakaraos naman sila. Tatlong beses sa isang araw ay nagagawa nilang magsalu-salo. Sapat na ang simpleng gulay at bagoong upang mapuno ang kanilang mga tiyan. Laking pasalamat din nila dahil may mga pagkakataong malaki ang kita ng kanilang Tatay sa kiskisan ng palay. Dito, nakakaranas sila ng kaunting karangyaan – ang magkaroon ng karne sa hapag; isang bagay na noon ay itinuturing na nilang magarbong handa.
Ang Nanay naman ni “Bhoy” ay tumatanggap ng labada mula sa kanilang mga kapitbahay. Kahit pagod na pagod, tuloy pa rin ang pagkayod para lamang mabigyan ng pambaon ang mga anak niya. Sa pagsisikap din ng kanyang nanay, nagkakaroon ng dagdag na pera sila “Bhoy” na gagamitin nilang pambili ng kagamitan sa paaralan. Sanay man sila sa simpleng pamumuhay, nagpatuloy pa rin si “Bhoy” na taasan ang kanyang pangarap. Ang kahirapang kanilang taglay ay naging instrumento sa kanyang pagkamulat.
“Hindi pala sapat ang makuntento lamang kung nangangarap kang makaahon”, sabi niya sa sarili.
Dahil dito, naenganyo si “Bhoy” na mag-aral ng mabuti. Nagsilbing inspirasyon din ang kanyang Kuya na kumuha ng kursong Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management. Hindi nagtagal, nabigyan na rin si “Bhoy” ng pagkakataong makapasok sa paaralan. Matiyagang tinutustusan ng kanilang mga magulang ang kanilang pag-aaral. Ngunit kung kalian pakiramdam nilang umaangat na sila, dumating ang isang trahedyang nagpabagsak sa kanilang pangarap.
Habang nagtatrabaho ang kanyang Tatay sa kiskisan, siya ay binugbog at iniwang sugatan ng mga masasamang loob. Pinabayaan siya sa gitna ng kalsada, naghihingalo at malayo sa saklolo. Dahil dito, humina na ang katawan ng kanilang Tatay at nahirapang kumayod ng husto.
Napilitang tumigil sa pag-aaral ang Kuya ni “Bhoy” upang magsilbing pangalawang ama ng kanilang pamilya. Ang kanyang Kuya ang siyang kumayod at nagtrabaho para magkaroon lamang sila ng pera. Isang semestre nalang sana para siya ay makapagtapos ngunit pinili niyang isantabi ang sarili para sa kanila.
Determinadong mapa-angat ang kanilang buhay, nangako si “Bhoy” sa kanyang sarili “Ako ang magpapatuloy sa pangarap mo, Kuya. Ako ang magdadala ng pangarap nating lahat, upang makarating ito sa katotohanan”, ani niya.
Sa kabila ng kanyang pagsisikap, napagtanto ni “Bhoy” na hindi pala madali ang kanyang landas. Sa paaralan, sinalubong siya ng mga mapang-abusong kaklase. Araw-araw siyang kinukutsya at minamaliit dahil sa estado ng kanilang buhay. Umabot sa puntong ayaw na niyang nang pumasok dahil sa takot dito. Dahil sa labis na pangungutya at pananakit ng kanyang mga kakalase, pansamantalang huminto si “Bhoy” sa pag-aaral. Upang matakasan ang lahat, lumuwas siya at ang kanyang Tatay sa Manila. Sa isang taong sila ay nasa Manila, walang ginawa si “Bhoy” kundi magbantay ng pamangkin, habang unti-unting nilalamon ng pagsisisi. “Dapat kasabay ko silang nag-aaral. Dapat umaabot din ako sa mga pangarap ko”, sabi ni “Bhoy” sa kanyang sarili.
At mula sa pagsisising iyon, muling sumibol ang apoy ng pangarap.
Pagbalik ni “Bhoy” sa Quirino, buong tapang niyang hinarap ang eskwela, dala ang bagong pangakong hindi na muling susuko.
Lumipas ang mga taon, nakapagtapos siya ng elementarya — isang tagumpay hindi lamang para sa kanya kundi lalo na para sa kanyang Nanay at Tatay na buong pusong nagsakripisyo.
At nang siya’y pumasok ng sekondarya, dumating ang biyayang nagsilbing gasera at ilaw ng kanilang landas, ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Isang pintuan ng pag-asa ang bumungad sa kanilang pamilya. Nawala ang pangamba nilang maubusan ng pera; maubusan ng panggastos para sa pagkain, edukasyon, at iba pa. Sapagkat sa tulong ng 4Ps, sila ay nabigyan ng tuloy tuloy na sustento. Sa tulong ng 4Ps, unti-unti nilang natikman ang ginhawa — isang ginhawang bunga ng sipag, tiyaga, at pag-asa.
Hindi lamang nagpapasalamat si “Bhoy” sa tulong pinansyal na hatid ng 4Ps. Ani niya, dahil sa mga Youth Development at Family Development Sessions, nagkaroon siya ng lakas ng loob upang mangarap ng mas mataas pa sa dati.
Dahil dito, nagpatuloy si “Bhoy” sa kanyang pag-aaral hanggang nakatapos siya sa kolehiyo. At ngayon, ang batang kuntento noon sa gasera at kaning may asin ay isa nang manggagawa ng 4Ps, ang programang nagsilbing gabay at lakas ng kanilang pamilya.
Siya na ay isa sa mga empleyado ng DSWD na tumutulong sa kapwa niya benepisyaryo, sa gawa at sa salita; sa serbisyo at sa kwento.
Ito ang kwento ni “Bhoy”. Ito ang kwento ko.
Ako po si Dennis Bhoy F. Dimalanta na nagsasabing, “Sa 4Ps ko natutunan na walang imposible sa isang pusong marunong mangarap, marunong magsumikap, at higit sa lahat — marunong kumapit sa Diyos.”