Ang aming tahanan ay binubuo ng isang ina at walong anak. Ako si Juliet, ilaw ng aming tahanan, na ipinanganak sa pamilya ng magsasaka. Sa bukid ko natutunan ang sipag at tiyaga, at dito rin ko nakilala ang aking kabiyak na si Ruben, isang kapwa magsasaka. Doon nagsimula ang aming kwento noong 1994. Mabilis kaming nagkaintindihan sa pananampalataya, sa pagsusumikap, at sa pangarap para sa kinabukasan. At hindi naglaon ay nagpakasal kami.
 
Biyaya ng maykapal na kami ay pagkalooban ng walong anak. Bawat isang sanggol ay isang pangako ng Diyos. Lahat sila’y lumaki ng may gabay ng matibay na disiplina, pagmamahal, at panalangin. Hindi namin hinarap ang bawat araw bilang pasanin lamang, kundi bilang pagkakataon upang bigyang buhay ang mga pangarap ng bawat isa.
 
Bago kami pinalad na mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps noong 2012, ramdam na ramdam namin ang bigat ng kahirapan. Walo ang sabay-sabay nag-aaral, at madalas ay kulang pa ang kita sa bukid para sa kanilang pangangailangan at sa pagkain sa araw-araw. Sa kabutihang palad, masipag at madiskarte si Ruben kaya’t kahit papaano ay naitataguyod ang pang-araw-araw naming pangangailangan.
 
Isang grasyang lubos kung ituring naming ang pagpapabilang sa amin sa 4Ps noong 2012. Pinahalagahan namin ang bawat halaga ng sentimo ng cash grant na aming natatanggap at inilaan talaga ito sa pangangailangan ng aming mga anak sa paaralan. Hindi na kami gaanong nangangamba tuwing kakapusin dahil may programang nakaalalay. Bukod pa rito’y, nagagawa ko pang makapag-alay ng ilang halaga para sa aming simbahang Bit-ang Bethel Church bilang sukli sa kabutihan ng Diyos. Ako rin ay nagsisilbi sa Kanya bilang isang pastora, kasabay ng aking pagbabanat ng buto sa aming bukid.
 
Maayos na ang sitwasyon ng aming pamilya dahil hindi na gaanong hikahos dahil sa suportang pinansyal at moral ng 4Ps. Maski ako’y pastora na, marami pa rin ang aral na tumutugon sa responsableng pagpapalaki ng mga bata at pagiging tuwid na magulang ang aking napupulot mula sa mga Family Development Sessions. Aking lubos na ikinatutuwang pakinggan at ibaon pauwi ng aming tahanan.
 
Ngunit dumating ang pinakamabigat na pagsubok noong 2016. Ito ang pagpanaw ni Ruben dahil sa hypertension. Wala na ang kabiyak ng aking puso at kabalikat sa buhay. Gayunpaman, bilang ina at ama ay mas lalo ko pang pinag-igihan ang pagsusumikap, lakas ng loob, at tiwala sa Diyos para sa aking mga mabubuting anak. Gumigising ako ng madaling-araw upang ihanda ang aking mga anak sa eskwela, at pagkatapos ay nagtutungo ako sa simbahan at bukid upang kumita ng kahit P250 sa isang araw. Pinagkakasya ko ito para sa pagkain at kung may matitira, inilalaan ko sa kanilang pag-aaral. Hindi naging madali ang lahat, pero naging inspirasyon ko ang aking mga anak.
 
Hindi rin lingid sa akin na limatado lamang ang aming resources dahil mag-isa akong kumakayod para sa walo at wala kaming extra income pero hindi rin maikukubli ang kaliwa’t-kanang interbensyon ng programang 4Ps kung kaya’t nasunod ko ang plano para sa aking pamilya. Kasama na rin dito ang pagpupursugi ng aking mga anak na makapagtapos at magtagumpay sakanilang bawat larangan.
 
Marahil mabait nga ang Diyos dahil hindi naglaon ay natamasa na namin ang bunga ng mga sakripisyo naming mag-asawa. Ang aking anak na si Meriam ay may sarili ng negosyo sa pagtatanim at pagbebenta ng gulay. Tulad ng iba pang matagumpay na pilipinang agripreneur, itinaguyod niya ito sa pamamagitan ng sipag at tiyaga.
 
Si Angel naman ay may negosyo rin at bihasa sa guitar repair and set-up, isang kakaibang kasanayan na pinagbubuhusan niya ng oras at tiyaga.
 
Si Boy Shadrach ay isa na ngayong sundalo, at labis ang aking pasasalamat at pagmamataas sa kanyang paglilingkod sa bayan.
 
At ang aking anak na si Reyna Aceter ay isa ng government employee sa kapitolyo ng Quirino, na nagsisilbi sa publiko nang may integridad at dedikasyon.
 
Sila ang patunay na kahit mahirap ang aming pinagmulan, posible pa ring maabot ang mga pangarap sa pamamagitan ng sipag, dasal, at tamang paggabay ng magulang.
 
Hindi ko ginamit ang benepisyo ng 4Ps para sa luho. Sa halip, ibinuhos ko ito sa edukasyon at pangunahing pangangailangan. Kaya’t hindi nakapagtataka na sinabi mismo ng aming Municipal Link, si Sir Angelito Lubo, na ang aming sambahayan ay nag-Level 3 sa SWDI, at malapit nang magtapos sa programa.
 
Bagamat kami ay lilisan na mula sa programa, ito ay isang inspirasyon dahil ito ang patunay na kayang putulin ang paikot-ikot na siklo ng kahirapan.
 
Sa loob ng 13 taon bilang bahagi ng 4Ps, dinala ko ang mga aral mula sa FDS, tulong pinansyal at moral, mga kabuhayan, at higit sa lahat, ang mga alaala ng pagtutulungan at pagkakaibigan. Ngayon, habang kaya ko pa, nais kong patuloy na mag-ambag sa programang naghubog at nagpatibay sa amin.
 
Ako si Juliet, isang ina, pastora, at magsasaka. Ako’y haligi at ilaw ng aming tahanan. Ako at ang aking pamilya ay patunay na ang kahirapan ay maaaring malagpasan sa tulong ng Diyos, sipag, at ng programang 4Ps.
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD