“Menor.” Isang salitang karaniwang maririnig sa pagmamaneho. Ibig sabihin, bagalan muna ang takbo. Lalo na kung mabilis na ang andar ng sasakyan, kailangan magmenor para matiyak ang kaligtasan ng lahat ng sakay.
“Bagalan mo lang. Mag-menor ka muna.”
Iyan ang lagi naming naririnig sa paligid.
Pero sa pamilya namin, hindi puwedeng bumagal ang takbo ng buhay. Kailangan mabilis, dahil bawat segundo ay mahalaga. Wala dapat masayang oras. Sa pagiging maagap, doon kami umaasa para mabuhay.
Ako si Joe-Ann, ilaw ng tahanan ng pamilya Menor. Kasama ko ang aking asawa, si Romeo, sa pagtataguyod ng aming munting pamilya. Nakatira kami sa isang simpleng bahay sa barangay Tamban, Alcala, Cagayan, napapalibutan ng sakahan at puno. Kahit payak lang, puno ito ng makukulay na pangarap at walang sawang pagsusumikap.
Pagsasaka ang aming kabuhayan. Sa loob ng maraming taon, mais at tabako ang pangunahing pinagkukunan namin ng kita. Tulad ng karamihan sa mga magsasaka, hindi madali ang buhay. May mga panahong tagtuyot, at minsan naman, winawasak ng bagyo ang mga tanim.
Kapag gipit, hindi puwedeng bumagal. Kailangang magdoble-kayod para mabawi ang nalugi.
Mabilis ang ikot ng aming araw-araw, pero dumating ang isang pagsubok na nagpabigat sa lahat. Nagkasakit nang malubha sa dugo ang aming anak na si Rizalyn, ang pangalawa at kaisa-isang babae sa aming mga anak. Dahil sa taas ng gastusin, napilitan kaming magtrabaho nang mas matindi at mangutang. Kahit may pandagdag para sa pagpapagamot, hindi pa rin ito sapat. Sa puntong iyon, hindi pa naiintindihan ng asawa ko ang kahalagahan ng pagkakapantay-pantay ng babae at lalaki. Para sa kanya, lalaki lang ang dapat pangunahing kumikilos sa bukid.
At doon, tila bumagal ang lahat. Lumobo ang gastusin sa ospital, sa bahay, at sa pag-aaral ng mga bata. Pati mga maling paniniwala ng ibang tao ay naging pabigat sa pag-angat namin.
Hanggang sa mapabilang kami sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Malaki ang naitulong ng 4Ps sa amin. Sa pamamagitan ng Family Development Sessions (FDS), natuto kami ni Romeo kung paano maging responsableng magulang. Naturuan din kami sa mga konsepto ng social empowerment, gender sensitivity, at karapatang pantao. Dito, nabuksan ang mga mata naming mag-asawa sa kakayahan ko bilang isang ina, asawa, at babae na may mahalagang papel sa lipunan.
Hindi pa rin naging madali ang daan. Nakaranas pa rin kami ng pagkalugi sa ani, kakulangan sa pagkain, patuloy na pagkakasakit ng anak, at lumalaking utang. Ngunit sa halip na sumuko ay pinili naming lumaban dahil mayroon na kaming karamay, ang 4Ps. Magkatuwang naming hinarap ang lahat, at ang pananalig sa Diyos at pagkakaisa ng pamilya ang naging sandigan namin.
Maingat naming ginamit ang benepisyo ng 4Ps para sa pinakamahalagang aspeto ng buhay: edukasyon at nutrisyon. Dahil dito, unti-unting gumaan ang aming pasanin. Naging maayos ang pag-aaral ng mga anak namin at unti-unti na silang nagtagumpay.
Si Michael, ang panganay, ay isa nang Licensed Professional Teacher at Registered Agriculturist, nagtapos bilang iskolar ng ESGPPA at ng National Tobacco Administration. Pumasa rin siya sa NAPOLCOM at FFSAT examinations at ngayo’y nagtatrabaho sa Department of Agriculture sa aming rehiyon.
Si Mark, ang pangatlo, ay Grade 10 at palaging honor student. Si Xian naman, ang bunso, ay Grade 8 at kilala sa larangan ng sports; lalo na sa pagtakbo kung saan siya ay kampeon sa kanilang paaralan.
At si Rizalyn, ang nag-iisang babae, ay gumaling mula sa kanyang sakit. Nagtapos siya ng Bachelor of Science in Agriculture, naging aktibong volunteer sa Red Cross, at ngayong Hunyo lang, nagtungo sa Taiwan bilang factory worker para makatulong sa aming pamilya.
Habang patuloy nilang isinusulong ang kanilang pangarap, hindi nila nalilimutang magbigay sa aming pamilya. Kahit hindi namin pilitin, sila mismo ay nagkukusa na bigyan kami ng aming mga kagustuhan.
“Hindi po ako titigil magsikap hangga’t hindi ko naibibigay sa inyo ang saya na nararapat para sa inyo,” lagi pang sabi ni Michael.
Dahil sa 4Ps, natutunan din naming magtagumpay bilang mag-asawa. Hindi lang pala sapat na matagumpay ang mga anak; dapat pati kami ay maging aktibo sa komunidad.
Ako na dating mahiyain at tahimik ay isa na ngayong lider ng kababaihan sa aming barangay, takbuhan ng mga may problema tungkol sa VAWC. Isa rin akong volunteer teacher sa Alternative Learning System (ALS). Magkasama rin kami ni Romeo sa paggabay sa mga kapwa tobacco farmers para makakuha ng scholarship ang kanilang mga anak sa lokal na pamahalaan ng Alcala.
Hindi lang sa aming tahanan natatapos ang aming paglilingkod. Pareho kami ni Romeo na commentator at church server. Nagsisilbi rin kami bilang volunteer evangelizers na nagbabahagi ng Salita ng Diyos at nagbibigay-gabay espiritwal sa aming barangay. Kasama rin ang pamilya namin sa barangay clean-up drives, youth and agriculture programs, at iba pang religious activities.
Para sa amin, ang tunay na tagumpay ay nasusukat hindi lang sa personal na pag-unlad, kundi sa kabutihang naihahatid sa kapwa.
“Menor.” Sa kalsada, ibig sabihin ay bagalan muna. Pero sa buhay, natutunan naming hindi na kailangang magmadali. Kaagapay namin ang 4Ps at ang Panginoon sa bawat hakbang. Mag- menor man o bumilis ang takbo ng aming buhay, tiwala kaming darating din ang kaunlaran.
#BawatBuhayM

