Bata pa lamang ako ay mulat na ako sa hirap at hamon ng buhay. Bilang panganay sa aming magkakapatid, maaga akong natutong tumulong sa aking pamilya. Sa edad na labindalawa (12), nakikibahagi na ako sa trabahong bukid—nakikipitas ng mais at kung minsan ay sumasama sa aking ina upang magtrabaho, makatulong lamang sa aming pang-araw-araw na pangangailangan. Tunay na mahirap ang aming buhay noon. Maliwanag pa sa aking alaala kung paano nangungutang ang aking ina sa mga kamag-anak at nagpapautang upang may maibigay na baon at pambili ng gamit namin sa paaralan. Ang mga karanasang iyon ang nagmulat sa akin kung gaano kahirap ang maging mahirap, at kung gaano kahalaga ang malasakit ng mga taong handang tumulong sa oras ng pangangailangan.
Dahil sa hirap ng aming kalagayan, napagdesisyunan kong makitira muna sa kapatid ng aking ina upang makatipid sa pamasahe. Awang-awa ako sa aking mga magulang at doon ako nangako sa aking sarili na magsisikap akong mag-aral nang mabuti—hindi lamang para sa aking kinabukasan kundi upang makabawi rin sa lahat ng kanilang sakripisyo. Lubos din akong nagpapasalamat sa kabutihang-loob ng pamilya ng aking tita na pansamantala akong tinanggap at inalagaan.
Isang malaking pagbabago sa aming buhay ang dumating nang kami ay mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Malaki ang naitulong ng programa sa aming pamilya, lalo na sa mga panahong kulang na kulang kami sa aspetong pinansiyal. Sa panahong sabay kaming nag-aaral ng aking pangalawang kapatid, mas dumoble ang gastusin ng aking mga magulang. Sa tulong ng 4Ps, naging katuwang ito ng aking pamilya upang maitawid ang aming pag-aaral. Dahil dito, matagumpay akong nakapagtapos ng Grade 12 – General Academic Strand (GAS) sa Diadi National High School.
Ngunit habang tumataas ang antas ng aking pag-aaral, mas mabibigat na hamon ang aking hinarap. Sa aking pagpasok sa kolehiyo, hindi lamang problemang pinansiyal ang aking iniisip kundi pati na rin ang kalusugan ng aking mga magulang na patuloy na nagkakayod upang masuportahan kaming magkakapatid. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi ako nawalan ng pag-asa. Sa halip, ginawa ko itong inspirasyon upang magpatuloy at magsikap pa lalo. Sa awa ng Diyos, aking natapos ang kursong Bachelor of Science in Computer Science, major in Robotics
.
Matapos ang aking pagtatapos, ako ay napabilang sa Cash for Work Program ng DSWD, at ako ay naitalaga sa MOO Diadi. Dito ko lubos na nakita kung gaano karaming pamilya ang natutulungan ng mga programa ng pamahalaan. Napatunayan ko na ang tulong ay mas nagiging makabuluhan kapag sinasabayan ng sipag, tiyaga, at sariling pagsusumikap—hindi pag-asa lamang sa natatanggap na tulong. Sa mga panahong nagtrabaho ako roon, pakiramdam ko ay kahit papaano ay naipahayag ko ang aking pasasalamat sa programa at sa kagawaran na naging bahagi ng aking pag-ahon.
Sa kasalukuyan, ako ay isa sa mga mapalad na napiling kalahok sa Government Internship Program (GIP) ng aming Local Government Unit (LGU). Isa itong malaking hakbang sa aking propesyonal na paglalakbay at patunay na ang mga pangarap ay kayang matupad sa tulong ng determinasyon, suporta ng pamilya, at mga programang tunay na naglalayong iangat ang buhay ng mamamayan.
Ako si Jhea May D. Mercado ng Arwas, Diadi, Nueva Vizcaya,
Isang Bachelor of Science in Computer Science graduate,
Isang Proud 4Ps Beneficiary,
At higit sa lahat, isang Proud 4Ps Graduate.
Ito ang aking kwento—kwento ng pagsisikap, pag-asa, at tagumpay.