ROXAS, Isabela — “Saksi ako sa kung paano naging malaking tulong ang 4Ps sa inyo. Ngayon nakita nila kung sino at ano ang resulta ng 4Ps dito sa bayan ng Roxas,” pahayag ni Mayor Benedict Calderon sa isinagawang ceremonial graduation ng 100 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong Abril 28, 2026.
Pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development Field Office 2 (DSWD FO2) katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Roxas ang seremonya bilang pagkilala sa mga pamilyang matagumpay na nakaabot sa antas ng self-sufficiency matapos ang tuloy-tuloy na partisipasyon sa programa.
Ang pagtatapos ng mga benepisyaryo ay patunay ng kanilang pagsisikap at pakikiisa sa mga interbensyon ng 4Ps sa larangan ng kalusugan, edukasyon, at pagpapaunlad ng kabuhayan na naging susi sa pag-angat ng kanilang pamumuhay.
Bukod sa mga household beneficiaries, kinilala rin sa naturang okasyon ang pitong (7) college graduates mula sa mga pamilyang 4Ps. Kabilang dito ang dalawang (2) cum laude graduates, isang (1) Registered Social Worker, isang (1) Registered Criminologist, at ilang Licensed Professional Teachers.
Isa sa mga tumanggap ng pagkilala ay si Neslyn L. Claramo, Cum Laude at Registered Criminologist mula Roxas, Isabela, na nagbahagi ng kanyang naging inspirasyon at pinagdaanang hamon sa buhay.
Ayon kay Claramo, bata pa lamang siya ay namulat na siya sa hirap ng buhay dahil magsasaka ang kanyang mga magulang. Ibinahagi rin niya na nakaranas siya ng panlalait at pamamaliit, ngunit ito ay naging lakas niya upang magsumikap at abutin ang kanyang mga pangarap.
“Isa sa pinakamalaking biyaya sa aking paglalakbay ang suporta na binigay ng 4Ps. Higit pa ito sa pinansyal na tulong at naging pinagmulan ng pag-asa at inspirasyon. Ang kaalamang may naniniwala sa aking kakayahan ay nagtulak sa akin na magsikap pa lalo at pahalagaan ang oportunidad na aking tinanggap at patuloy na tinatanggap ng aking mga kapatid,” ani Claramo.
Bilang suporta sa mga nagsipagtapos, nagkaloob ang lokal na pamahalaan ng ₱5,000 cash assistance para sa bawat household beneficiary at ₱3,000 naman para sa mga college graduates, kasama ang prayoridad sa pagbili ng subsidized KADIWA rice na nagkakahalaga ng ₱20 kada kilo, at pakikilahok sa “Agri Innovation” na may libreng seedlings para sa kanilang gulayan.