PALANAN, Isabela — Kinilala ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) ang tagumpay ng 140 exiting households sa bayan ng Palanan sa isinagawang ceremonial graduation ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong Mayo 18 sa Angelo A. Bernardo Memorial Coliseum.
Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na pagkilala ng DSWD sa mga pamilyang matagumpay na nakaangat ang antas ng pamumuhay at nakamit ang improved level of well-being matapos maging benepisyaryo ng programa.
Binigyang-diin ng ahensya na mahalagang milestone ito para sa Palanan bilang isang geographically isolated at disadvantaged area (GIDA) at coastal municipality, kung saan nananatiling hamon ang accessibility at paghahatid ng mga serbisyo sa ilang komunidad.
Kabilang sa mga pamilya ng exiting households ang 10 college graduates, kabilang ang dalawang Cum Laude graduates, isang Registered Midwife, isang Registered Forester, at walong Licensed Professional Teachers.
Samantala, tumanggap naman ng tig-₱5,000 seed capital assistance ang mga exiting households bilang bahagi ng post-service interventions ng lokal na pamahalaan. Sa kabuuan, umabot na sa ₱700,000 ang naipagkaloob na post-service assistance ng LGU para sa mga exiting households upang makatulong sa pagpapatuloy ng kanilang kabuhayan matapos ang pag-exit sa programa.
“Tinatanggap namin ang responsibilidad para sa patuloy na pagsuporta sa ating mga exited 4Ps households. Para sa ating 4Ps graduates, nandito po ang LGU para umalalay at sumuporta sa inyong pag-unlad,” ani Bernardo na nangakong patuloy na aalalayan ng lokal na pamahalaan ang mga exited households.
Binigyang-diin din ng DSWD FO2 na ang mga tagumpay ng mga benepisyaryo ay patunay na ang 4Ps ay hindi lamang programang nagbibigay ng tulong pinansyal kundi isang pamumuhunan upang matulungan ang mga pamilya na magkaroon ng mas matatag at mas maayos na kinabukasan.

