BASCO, Batanes — “Hindi nasayang ang tulong ng pamahalaan.”
Ito ang mensahe ni Regional Director Lucia Suyu-Alan na tumatak sa kauna-unahang provincial graduation ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Batanes matapos kilalanin ang 51 pamilyang matagumpay nang nakaahon sa kahirapan at naka-exit sa programa noong Mayo 26, 2026.
Sa ilalim ng “Pugay Tagumpay” graduation ceremony, kinilala ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWDFO2) at Pamahalaang Panlalawigan ng Batanes sa pangunguna ni Governor Ronald Aguto Jr. ang mga benepisyaryong pamilya mula sa Basco, Ivana, Mahatao, at Uyugan na ngayo’y may kakayahan nang tumayo sa sarili nilang paa.
Sa kabuuang bilang ng mga nagtapos, 29 households ay mula sa Basco, lima mula sa Ivana, walo mula sa Mahatao, at siyam mula sa Uyugan.
Ayon sa pinakahuling datos, umabot na sa 133 ang matagumpay nang naka-graduate sa programa dahil sa pag-angat ng kanilang pamumuhay at ang .
Kabilang sa pinakamalaking bunga ng programa ang tagumpay ng mga anak ng benepisyaryo sa edukasyon. Sa kasalukuyan, mayroon nang 86 elementary graduates, 198 high school graduates, at 16 college graduates mula sa mga pamilyang kabilang sa 4Ps sa lalawigan.
Siyam sa kanila ang nakapasa na rin sa board examinations—tatlong licensed teachers, dalawang criminologists, isang engineer, isang doktor, at dalawang agriculturists.
Isa sa naging inspirasyon sa programa si Dr. Orlando Montoya Dierra Jr., isang bagong lisensyadong manggagamot at dating benepisyaryo ng 4Ps, na ibinahagi kung paano tinulungan ng programa ang kanilang pamilya sa gitna ng kahirapan.
“Sinong mag-aakala na sa likod ng puting coat na ito ay minsang naging benepisyaryo ng 4Ps,” ani Dierra habang inaalala ang mga panahong problemado sila sa pamasahe, school contributions, at pagkain sa araw-araw.
Ikinuwento rin niya kung paano nagsumikap ang kanyang mga magulang upang maitawid ang kanilang pamilya mula sa pagtitinda ng puto hanggang sa pamamasada habang siya naman ay nagsikap makatapos ng pag-aaral sa tulong ng scholarship at suporta ng 4Ps.
“Bawat pisong natanggap namin noon ay hindi luho. Iyon ay pag-asa,” dagdag niya.
Mula 2023, umabot na sa ₱17,778,550 ang kabuuang cash grants na naipamahagi sa mga benepisyaryo sa Batanes.
“Ang tunay na balik ng pamumuhunan ng gobyerno ay makikita sa mga pamilyang dati’y hirap mapag-aral ang mga anak, ngunit ngayon ay mayroon nang mga guro, doktor, inhinyero, at iba pang propesyonal,” ayon kay DSWD Regional Director Lucia Suyu-Alan.
Tiniyak naman ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batanes na patuloy na susuportahan ang mga graduate beneficiaries sa pamamagitan ng post-service interventions tulad ng livelihood assistance, skills training, at iba pang programang makatutulong upang mapanatili ang kanilang self-sufficiency.
Binigyang-diin din ng ahensya ang Regional Development Council Resolution No. 02-64, Series of 2025, na naghihikayat sa mga government agencies, state universities and colleges, local government units, at government-owned and controlled corporations na bigyang prayoridad ang mga kwalipikadong 4Ps beneficiaries para sa internship, Job Order, at Contract of Service positions.