Alas tres. Madilim. Malamig. At ang tanging liwanag ay ang kanyang pag-ibig na nagkukuskos ng pagkamasahol sa dilim.

Alas kwatro. Pumasok si Tatay — hindi sa pintuan, kundi sa anino. Pasan ang buong magdamag na trabaho, pasan ang hiningang mabigat, pasan ang matang hindi na makatulog kahit ipinikit na. Hindi siya nagsasalita. Ang kanyang pagod ang nagsasalita para sa kanya.

Ang aming bahay ay hindi tahimik, pero walang nag-aaway. Ang ingay ay nagmumula sa kusina—hindi ng mantika, hindi ng kutsara’t tinidor, kundi ng kalderong walang laman. Tunog ito ng bakal na bakante. Tunog ng sikmurang humihikbi. Tunog ng alas tres na hindi pa rin natutulog.

Minsan, sumasayaw ang tanso sa aming palad. Minsan, nananalo kami sa maliit na swerte. Pero bago pa man lumamig ang aming kape, nawawala na ito— dahil ang panganay naming kapatid ay may lagnat na hindi tumitigil, at ang gamot ay hindi nagtatanong kung mahal ka ba. Nagbabayad ka lang.

May mga gabing patay ang ilaw. Hindi pundido. Walang pampundi. Kaya sa dilim, nag-iimbento kami ng bituin. Sabi ni Mama, “Pikit na kayo. Darating din ang umaga.” Pero ako, kahit pumikit ako, alam kong darating ang alas tres. At alas kwatro. At ang parehong araw na paulit-ulit na humihingi ng bagay na hindi namin maibigay.

Minsan, hiniling ko na sana ay panaginip na lang ang lahat. Kasi sa panaginip, may kanin. Sa panaginip, hindi umiiyak si Mama habang naglalaba. Sa panaginip, natutulog si Tatay — hindi dahil pagod, kundi dahil gusto lang niya.

Pero alas tres na. Naririnig ko na naman ang pagkuskos. At kahit gusto kong manatili sa panaginip, binubuksan ko ang aking mga mata.

Ako si Koline. Pangalawa sa lima. At kahit kurot sa dibdib ang gumising tuwing umaga, kahit ang agahan ay hangin lamang at dasal—laki pa rin ng pasasalamat ko.

At habang paulit-ulit na umiikot ang mga araw na iyon, may isang pag-asang dumating noong 2011. Napili at napabilang kami bilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Dito, hindi na ulam ang asin kundi pampalasa na, hindi na sabaw ang mantika kundi pangprito na.

Higit pa sa tulong pinansyal, mas lalo pang nahubog ang aming pamilya nang mapili ang aking ina bilang Parent Leader. Sa bawat Family Development Session, may bagong aral siyang inuuwi sa bahay—kung paano magbudget ng pera, kung paano gabayan ang mga anak, kung paano pahalagahan ang edukasyon at kalusugan. Unti-unti, hindi lamang laman ng tiyan ang napupunan kundi pati pag-asa sa puso.

Natutunan din niyang makisalamuha sa iba’t ibang pamilya sa aming komunidad. Bilang Parent Leader, naging bahagi siya ng pag-akay at pagtulong sa kapwa benepisyaryo. Ang mga natutunan niya sa FDS ay hindi lamang nanatili sa mga sesyon; naging bahagi ito ng aming tahanan at ng aming pagkatao.

Naging responsable kami sa paggamit ng tulong pinansyal. Ang para sa pag-aaral ay para sa pag-aaral. Ang para sa kalusugan ay para sa kalusugan. At sa simpleng disiplinang iyon, unti-unting nagkaroon ng direksyon ang aming pamilya.

Nabigyan ng diin ang aking pag-aaral hanggang Grade 12. Hindi lang basta natapos, kundi natapos ko ang aking sekondarya na may karangalang dala-dala hindi lamang ng aking pangalan kundi ng bawat sakripisyo ng aking mga magulang.

Hindi rin pala sapat ang pag-asa upang maiwasan ang unos.

Noong 2016, dumating si Bagyong Lawin. Hindi niya kami kinatok. Hindi siya nagpaalam. Sinira niya ang aming tahanan at ibinalik kami sa simula. Muli kaming natulog sa ilalim ng mga pinagdugtong-dugtong na kumot na nagsilbing dingding at bubong ng isang pansamantalang barung-barong. Sa ilang sandali, para bang lahat ng aming pinaghirapan ay tinangay ng hangin.

Kasabay ng pagkawasak ng aming tahanan ay ang pag-abot ng maraming kamay upang muli kaming makabangon.

Sa tulong ng DSWD, 4Ps, mga organisasyon, aming barangay, at kapwa benepisyaryo, muling nabuo ang aming munting tahanan. Ang bawat pako, bawat kahoy, at bawat pawis na inilaan ng aming komunidad ay nagsilbing paalala na hindi kami nag-iisa sa aming pagbangon.

Pagsapit ng kolehiyo, isa na namang hamon ang humarap sa amin.

May nakatatanda akong kapatid na nag-aaral din sa kolehiyo at tatlo pang kapatid na nasa paaralan. Alam kong hindi sapat ang kinikita ng aking mga magulang upang tustusan kaming lahat. Sa totoo lang, bago dumating ang oportunidad, muntik ko nang bitawan ang pangarap. Naisip kong huwag nang magpatuloy upang mabawasan ang pasanin ng aming pamilya.

Isang bagay lamang ang hindi hinayaang mangyari ng aking mga magulang—ang pagtigil ko sa pag-aaral. “Gagawa kami ng paraan.” At ginawa nga nila.

Nag-enrol ako sa Isabela State University-Cabagan. Araw-araw akong bumibiyahe. Naglalakad nang halos tatlumpung minuto upang makatipid. Iniipon ang natitirang baon dahil hindi araw-araw ay may maibibigay ang aming mga magulang.

At nang dumating ang pagkakataon, agad akong naging prayoridad sa Tertiary Education Subsidy o TES ng CHED dahil isa akong miyembro ng 4Ps.

Hindi lang basta pinansyal. Sapagkat ang tunay na ibinigay ng programa ay pagkakataon.

Pagkakataong mangarap. Pagkakataong magpatuloy. Pagkakataong paniwalaan na may lugar ang isang batang lumaking inuulam ang asin sa loob ng silid-aralan.

Sa awa ng Diyos, natapos ko ang aking kurso. Kalaunan, nakapasa ako sa Licensure Examination for Teachers at naging ganap na guro. Ang aking kapatid naman ay malapit nang matapos sa kursong Computer Science. Kung noon ay pangarap lamang ang diploma, ngayon ay nakasabit na ito sa aming tahanan.

Unti-unti naming ibinalik sa komunidad ang tulong na minsang ipinagkaloob sa amin. Ang paglilingkod ay tila naging pangalawang tahanan ng aming pamilya. Naging kagawad ng barangay ang aking ama mula 2008 hanggang 2023, katuwang sa mga proyektong pang-imprastraktura at pagpapaunlad ng komunidad.

Ang aking ina naman, mula sa pagiging Parent Leader, ay naging VAWC Officer noong 2018. Ang mga aral na natutunan niya sa FDS tungkol sa karapatan ng kababaihan, mga bata, at responsibilidad ng mga magulang ay ginamit niya upang tulungan ang mga pamilyang may pinagdaraanan. Marami siyang natulungang mag-asawa na nagkaroon ng sigalot, mga batang nangangailangan ng gabay, at mga pamilyang naghahanap ng direksyon.

Noong 2023, nahalal siyang kagawad na nakatalaga sa Edukasyon at Kalusugan. Pinangunahan niya ang Brigada Eskwela at iba pang gawaing may kaugnayan sa kalinisan, kaayusan, at kapakanan ng komunidad.

At sa parehong taon, nahalal naman ako bilang SK Chairperson. Bilang pinuno ng kabataan, nagsimula akong magsulong ng mga programang pang-edukasyon, clean-up drives, sports activities, scholarship assistance, at suporta para sa mga out-of-school youth.

Higit sa lahat, nananatiling aktibo ang aming pamilya sa aming simbahan. Sapagkat para sa amin, ang bawat tagumpay ay nagsimula sa pananampalataya at sa paniniwalang may Diyos na gumagabay sa bawat hakbang ng aming paglalakbay.

Sa pagtatapos, dalawang linya lamang ang aking nakikita sa 4Ps—ang vertical at ang horizontal.

Ang vertical na nagbibigay-buhay sa pag-angat ng aming pamilya. Mula sa mga gabing walang ilaw, sa mga araw na asin at mantika lamang ang ulam, hanggang sa mga pangarap na ngayon ay isa nang realidad.

Ang horizontal naman ay ang layunin naming maglingkod. Sapagkat ang tunay na pag-ahon ay hindi lamang tungkol sa sarili. Ito ay tungkol sa pagbabalik ng biyayang natanggap sa komunidad na minsang tumulong sa iyong bumangon.

At sa pagitan ng dalawang linyang iyon, naroon ang kuwento ng aming pamilya.

Isang pamilyang umangat. At isang pamilyang hindi nakalimutang umalalay.

Written by: Eddieson Taguiam