TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Muling lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Department of Social Welfare and Development Field Office 2 (DSWD FO2) at ang I-Saving the Vulnerable, Education and Their Dreams (I-SAVED) noong Hunyo 17, 2026 upang ipagpatuloy at higit pang mapalawak ang mga serbisyong makatutulong sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Rehiyon II.
Ang kasunduang ito ay pagpapatuloy ng naging pagtutulungan ng DSWD FO2 at I-SAVED noong nakaraang taon, na naglalayong mapalakas ang paghahatid ng mga programa at serbisyo para sa mahihirap at bulnerableng pamilya sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at pakikipag-ugnayan sa komunidad.
Pinangunahan ni DSWD FO2 Regional Director Lucia Suyu-Alan ang paglagda sa kasunduan para sa ahensya, habang si Marie Grace M. Queman, LPT, Pangulo ng I-SAVED, ang lumagda bilang kinatawan ng organisasyon.
Sa ilalim ng kasunduan, patuloy na magsasagawa ang I-SAVED ng mga gawaing makatutulong sa mga pamilyang kabilang sa 4Ps, kabilang ang mga aktibidad para sa pagpapaunlad ng kabataan, tutorial at learning support sessions, literacy at numeracy enhancement, educational assistance, at iba pang community-based interventions.
Ang I-SAVED ay isang volunteer organization na nakabase sa Solana, Cagayan na nagsusulong ng edukasyon at paglilingkod sa komunidad. Mula nang maitatag noong 2018, aktibo itong nagpapatupad ng iba’t ibang outreach programs at learning activities para sa mga batang nangangailangan ng karagdagang suporta sa kanilang pag-aaral.
Sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng partnership na ito, inaasahang mas marami pang benepisyaryo ng 4Ps ang mabibigyan ng pagkakataong mapaunlad ang kanilang kaalaman at kakayahan tungo sa mas maayos na kinabukasan.
Sinusuportahan din ng kasunduan ang layunin ng DSWD FO2 na matulungan ang mga benepisyaryo na maging mas handa at sapat sa sarili upang mapanatili ang kanilang mga natamong tagumpay kahit matapos ang kanilang pananatili sa programa.