TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Umabot sa 31,764 corn farmers sa Cagayan ang nakatanggap ng cash assistance mula sa DSWD Field Office 2 sa ilalim ng Emergency Cash Transfer (ECT) para sa mga magsasakang naapektuhan ng agricultural drought.
Batay sa pinakahuling datos ng DSWD, 31,764 o 99.94% ng kabuuang target na 31,782 corn farmers ang nabigyan ng tulong pinansyal. Dahil dito, umabot sa ₱321,610,500 ang kabuuang halaga ng naipamahaging cash assistance.
Ang ECT ay bahagi ng pinalawak na disaster response ng pamahalaan matapos ideklara ang State of Calamity sa buong lalawigan ng Cagayan dahil sa malawakang epekto ng agricultural drought sa produksyon ng mais na pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng maraming magsasaka sa lalawigan.
Bawat kwalipikadong benepisyaryo ay nakatanggap ng ₱10,125 cash assistance upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan habang unti-unting bumabangon ang kanilang kabuhayan mula sa epekto ng tagtuyot at pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ang ECT ay bahagi ng direktiba ng pamahalaan sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang pagtugon sa mga komunidad na naapektuhan ng kalamidad at iba pang krisis.
Katuwang ng DSWD sa implementasyon ng programa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, sa pamumuno ni Gov. Edgar Aglipay at mga lokal na pamahalaan sa lalawigan upang matiyak ang maayos at mabilis na paghahatid ng cash assistance sa mga apektadong magsasaka.
Sa pamamagitan ng ECT, patuloy na sinusuportahan ng DSWD ang mga magsasakang naapektuhan ng kalamidad upang matugunan ang kanilang agarang pangangailangan at makatulong sa kanilang pagbangon.
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

