Bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng proteksyon para sa mga kababaihan at bata sa panahon ng kalamidad, pormal na ipinagkaloob ng DSWD Field Office 2 ang Women-Friendly Space (WFS) Kits at Child-Friendly Space (CFS) Kits sa mga lokal na pamahalaan ng Abulug at Gonzaga, Cagayan.
Isinagawa ngayong Hulyo 29, 2026 ang Signing of Deed of Donation at Turnover Ceremony sa pangunguna ni DSWD FO2 Regional Director Lucia Suyu-Alan, kasama sina Gonzaga Mayor Rellie Dalmaceda at Abulug Mayor Marie Angelie Vargas.
Bilang lead agency sa Camp Coordination and Camp Management (CCCM) at Internally Displaced Persons (IDP) Protection, patuloy na ipinagkakaloob ng DSWD FO2 ang mga kagamitan sa mga lokal na pamahalaang madalas magbukas ng evacuation centers upang higit na mapalakas ang kanilang kahandaan sa pagtugon sa mga kalamidad.
Tumanggap ang LGU ng Gonzaga ng parehong WFS at CFS Kits, habang WFS Kits naman ang ipinagkaloob sa LGU ng Abulug.
Naglalaman ang mga WFS at CFS Kits ng mga kagamitan para sa psychosocial support at iba pang child- at women-friendly activities na makatutulong sa pagpapanatili ng kaligtasan, dignidad, at psychosocial well-being upang matiyak ang ligtas at angkop na espasyo para sa mga kababaihan at bata habang nananatili sa mga evacuation center.
Nagpahayag naman ng pasasalamat sina Mayor Dalmaceda at Mayor Vargas sa DSWD FO2 sa patuloy na suporta ng ahensya sa pagpapalakas ng disaster preparedness at protection services ng kanilang mga nasasakupan.
Dumalo rin sa aktibidad sina DRMD OIC-Division Chief Mylene Attaban, Abulug Municipal Social Welfare and Development Officer (MSWDO) Leah Dela Torre, Gonzaga MSWDO Renie Imperio, Provincial Chief of Staff Gen. Felipe Buena Jr, at OIC-PSWDO Bonifacio Cuarteros.
Ang aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month 2026, na naglalayong palakasin ang kahandaan at katatagan ng mga komunidad laban sa mga sakuna.
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
#NDRM2026
#IamResiLIYAB

