SANTA ANA, Cagayan – Kinilala ang 35 child beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na nakapagtapos ng kolehiyo sa isinagawang “Rang-ay: Honoring the Journey of 4Ps College Graduates” noong Agosto 12, 2026 sa Nassim Hotel and Beach Resort, Santa Ana, Cagayan.
Isinagawa ang aktibidad ng Department of Social Welfare and Development Field Office 2 (DSWD FO2) katuwang ang Local Government Unit (LGU) ng Santa Ana upang kilalanin ang mga tagumpay ng mga 4Ps college graduates.
Sa 35 graduates, walo ang bagong nagtapos, 17 ang kasalukuyang may trabaho, 23 ang nakapasa sa licensure examinations, at lima ang nagtapos na may academic distinctions.
Binigyang-diin ni DSWD FO2 Regional Director Lucia Suyu-Alan na ang kanilang tagumpay ay hindi lamang personal na tagumpay kundi isa ring patunay ng positibong bunga ng 4Ps.
“Ang inyong tagumpay ay tagumpay din ng 4Ps,” pahayag ni Director Suyu-Alan, na nagsabing ang mga graduates ay kabilang sa mga patunay na ang oportunidad, kapag sinabayan ng pagsisikap at suporta ng pamilya, ay maaaring magbukas ng mas magandang kinabukasan.
Bahagi rin ng aktibidad ang pormal na endorsement ng mga college graduates sa LGU Santa Ana, na sumisimbolo sa pagpapatuloy ng suporta sa kanilang pagharap sa panibagong yugto ng kanilang buhay. Kabilang dito ang pagtulong sa mga graduates, lalo na sa mga naghahanap pa ng trabaho, na maiugnay sa mga oportunidad sa employment, skills training, livelihood assistance, at iba pang angkop na serbisyo.
Kabilang sa mga dumalo at nakiisa sa aktibidad sina Municipal Mayor Nelson P. Robinion; Private Secretary Rowena Castillo; Public Schools District Supervisor Maribel R. Serafica; Sangguniang Bayan Member on Social Services Arcelie P. Toralba; CEZA Manager A Grace B. Ruiz; PESO Manager Leilanie R. Dela Cruz; at Municipal Social Welfare and Development Officer Dawn S. Garcia.
Ipinahayag naman nina Municipal Mayor Nelson P. Robinion at CEZA Manager A Grace B. Ruiz ang kanilang patuloy na suporta sa 4Ps at sa mga graduates, partikular sa pagbibigay at pag-uugnay sa kanila sa mga oportunidad sa trabaho, upang matulungan silang makapagsimula ng kanilang career at magamit ang kanilang mga kakayahan para sa kanilang pamilya at komunidad.

