Sa liblib na Barangay Binalian, Kayapa, Nueva Vizcaya, namuhay si Felix Apolog bilang isang masipag na magsasaka at mapagmahal na ama. Ngunit nang pumanaw ang kanyang asawa noong 2016, siya na lamang ang naiwan upang gampanan ang papel ng ama at ina sa kanilang walong anak. Sa kabila ng mabigat na responsibilidad, hindi niya hinayaang maputol ang pangarap ng kanyang mga anak na makapagtapos ng pag-aaral.
Bilang isang solo parent, araw-araw niyang pinagsabay ang pagsasaka, pagpapanday, at paglilingkod bilang kagawad ng barangay upang maitaguyod ang kanyang pamilya. Hindi sapat ang kanilang kinikita kaya kinailangan niyang mangutang, magsakripisyo, at gumawa ng iba’t ibang paraan upang matustusan ang pag-aaral ng kanyang mga anak. Sa kabila ng lahat, nanatili siyang matatag dahil naniniwala siyang edukasyon ang pinakamahalagang pamana na maiiwan niya sa kanyang mga anak.
Sa gitna ng kanyang laban bilang isang solo parent, naging mahalagang katuwang niya ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Ang cash grants ng programa ay nakatulong upang mabawasan ang kanyang pangamba sa gastusin sa edukasyon at kalusugan ng kanyang mga anak. Ang tulong na ito ay nagbigay sa kanya ng pagkakataong ituon ang kanyang limitadong kita sa iba pang pangunahing pangangailangan ng pamilya at nabawasan ang pangangailangang mangutang sa tuwing magsisimula ang pasukan.
Higit pa sa tulong pinansyal, naging sandigan din ni Felix ang Family Development Sessions o FDS. Bilang isang amang mag-isang nagpalaki sa walong anak, malaki ang naitulong ng mga aral sa FDS tungkol sa responsableng pagiging magulang, wastong pagbabadyet, at pagpapatatag ng relasyon sa loob ng pamilya. Ang mga natutunang ito ang naging gabay niya sa paghubog sa kanyang mga anak upang maging responsable, masipag, at determinado sa pag-aaral.
Habang patuloy na nagsusumikap si Felix, ginawa rin ng kanyang mga anak ang kanilang bahagi. Naging mga working student ang ilan sa kanila at nagsikap makakuha ng iba’t ibang scholarship tulad ng NCIP, Tertiary Education Subsidy (TES), Tulong Dunong Program (TDP), at iba pang educational assistance. Sa tulong ng 4Ps at iba pang programang sumuporta sa kanila, unti-unting natupad ang pangarap na minsang tila napakalayo.
Ngayon, anim sa walong anak ni Felix ang nakapagtapos ng kolehiyo at matagumpay nang nagsisilbi sa kani-kanilang propesyon:
- Jennylyn A. Pagnas, Teacher III, March 2, 2018
- Fely A. Banol, Teacher III, Academic Scholar, August 2, 2017
- Domina A. Osorio, Teacher III, Tulong Dunong Program (TDP) Scholar, September 16, 2022
- Marcia Apolog Cuyopan, Teacher I, NCIP Scholar
- Brenda P. Apolog, Teacher, PSEF-TDP/TES Scholar, appointed noong September 11, 2025
- Molintas P. Apolog, Bachelor of Science in Criminology Graduate, TES Scholar, 2025
Patuloy namang nagsisikap ang dalawa pa nilang anak upang makapagtapos ng kanilang pag-aaral, dala ang parehong pagpapahalaga sa edukasyon na itinanim ng kanilang ama.
Para kay Felix, ang 4Ps ay hindi lamang programang nagbibigay ng ayuda. Bilang isang solo parent, naging katuwang niya ito sa pagtupad sa kanyang pinakamalaking pangarap, ang mabigyan ng edukasyon ang kanyang mga anak at maihanda sila sa mas magandang kinabukasan. Ang kwento ng Pamilyang Apolog ay patunay na kapag ang sipag at pagmamahal ng isang magulang ay sinuportahan ng mga programang nagbibigay ng tamang oportunidad, ang dating tila imposibleng pangarap ay nagiging realidad. Sa pamamagitan ng 4Ps, hindi lamang napagaan ang pasanin ni Felix bilang solo parent, kundi nabigyan din siya ng mas matibay na pag-asa at kakayahang maitaguyod ang kinabukasan ng kanyang pamilya.

