DUPAX DEL SUR, Nueva Vizcaya – Patuloy ang Department of Social Welfare and Development Field Office 2 sa pagpapatupad ng Unified Package for Livelihood, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance sa Region 2.
Noong Hulyo 30, 2026, isinagawa ang payout sa Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya, kung saan 78 sambahayan ang nakatakdang makatanggap ng ₱2,000 bilang buwanang ayuda mula Hulyo hanggang Disyembre 2026. Ang mga benepisyaryo ay kabilang sa Group 2, na binubuo ng mga poor at near poor households batay sa resulta ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority.
Kasabay ng payout, nagsagawa rin ng BBMS authentication ang mga kawani ng Social Registry Section upang matiyak ang wastong pagkakakilanlan ng mga benepisyaryo at mairehistro sa BBMS ang lahat ng benepisyaryo upang higit pang mapalakas ang maayos at transparent na paghahatid ng tulong. Nakiisa rin ang PSA sa aktibidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng on-site registration para sa mga benepisyaryong wala pang National ID.
Ang Group 2 ng UPLIFT Assistance ay tumutukoy sa mga poor at near poor households na natukoy sa pamamagitan ng 2024 CBMS ng PSA ngunit hindi pa kabilang sa 4Ps at Walang Gutom Program ng DSWD. Sa pamamagitan ng programang ito, layunin ng DSWD na mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at iba pang gastusin ng mga pamilyang higit na nangangailangan, habang isinusulong ang mas inklusibo at episyenteng paghahatid ng mga serbisyong panlipunan.
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

