TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Ipinamalas ng mga kawani ng DSWD Field Office 2 ang kanilang husay sa musika at pagkamalikhain sa ginanap na MUSIKATATAG Contest, isa sa mga tampok na aktibidad sa culminating activity ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month (NDRM).

Layunin ng kompetisyon na palawakin ang kamalayan hinggil sa disaster resilience, climate change adaptation, at environmental protection sa pamamagitan ng musika. Nagsilbi rin itong plataporma upang mahikayat ang pagkamalikhain at aktibong pakikilahok ng mga Angels in Red Vests na patuloy na nagsisilbing frontliners sa paghahatid ng agarang tulong at serbisyo sa mga pamilyang apektado ng kalamidad.

Sa pagtatapos ng kompetisyon, itinanghal na kampeon ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), sinundan ng Protective Services Division bilang ikalawang puwesto, at Promotive Services Division bilang ikatlong puwesto.

Bukod sa MUSIKATATAG Contest, itinampok din ng Disaster Response Management Division (DRMD) ang isang exhibit na nagbigay ng mas malalim na kaalaman sa iba’t ibang disaster response at humanitarian assistance programs ng DSWD.

Kabilang sa mga tampok sa exhibit ang mga modelo at larawan ng iba’t ibang evacuation centers, pati na ang Women-Friendly Space (WFS) at Child-Friendly Space (CFS) na nagsisilbing ligtas na lugar para sa mga kababaihan at bata sa loob ng mga evacuation center. Ipinakita rin ang mga nilalaman ng Family Food Packs (FFPs) at Non-Food Items (NFIs) na pangunahing ipinagkakaloob ng ahensya sa mga pamilyang apektado ng kalamidad.

Samantala, namahagi rin ang DRMD ng hot meals sa pamamagitan ng Mobile Kitchen upang ipakita ang kakayahan ng ahensya sa mabilis na paghahatid ng agarang pagkain sa mga apektadong komunidad sa panahon ng emergency.

Sa pamamagitan ng MUSIKATATAG Contest at exhibit, higit na naipamalas ng DSWD FO2 ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos, kahandaan, at patuloy na pagpapalakas ng kakayahan ng mga komunidad tungo sa isang mas matatag at mas ligtas na Pilipinas.

Layon ng mga aktibidad na hindi lamang maipakita ang mahalagang papel ng DSWD sa disaster response at humanitarian assistance, kundi mapataas din ang kamalayan ng publiko hinggil sa mandato, mga programa, at serbisyong patuloy na ipinagkakaloob ng ahensya bago, habang, at pagkatapos ng mga kalamidad.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
#NDRM2026
#IamResiLIYAB