STA. MARIA, Isabela – Agad na nagsagawa ng field validation ang Department of Social Welfare and Development Field Office 2 (DSWD FO2) sa pamilya Quiliza mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), kaugnay sa kanilang pag-exit sa programa.
Isinagawa ang validation noong Hulyo 30, 2026 bilang tugon sa inihaing grievance ng kamag-anak ng dating benepisyaryo. Layunin nitong tiyakin kung nasunod ang umiiral na proseso ng programa at malinawan ang mga isyung ibinahagi sa social media.
Sa isinagawang unang home visit, ipinaliwanag ng DSWD FO2 sa mga kaanak ng pamilya ang resulta ng Social Welfare and Development Indicator (SWDI) assessment. Batay sa records ng programa, nagtapos ang sambahayan bilang Level 3 o Improved Level of Well-being batay sa SWDI assessment noong Mayo 20, 2025.
Nilinaw rin ng DSWD FO2 na ang pagiging Level 3 ay naghihiwatig na sa panahon ng assessment, natutugunan na ng sambahayan ang kanilang pangunahing pangangailangan batay sa kabuuang resulta ng SWDI, na sumusukat sa iba’t ibang aspeto tulad ng kita, edukasyon, kalusugan, at kabuhayan. Base sa SWDI assessment na ginawa ng Municipal Link sa pamilya Quiliza, ang kanilang buwanang per capita income noon ay mas mataas sa itinakdang provincial poverty threshold.
Sa follow-up validation noong Agosto 4, 2026, napag-alamang dati nang naging benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) Livelihood Assistance Grant (LAG) ang pamilya. Ipinaliwanag din ng DSWD FO2 na maaari silang mairefer muli sa SLP bilang bahagi ng isang asosasyon.
Kinumpirma rin ng validation na nasunod ang exit process ng programa, kabilang ang pagpapabatid ng SWDI result, pagbuo ng Household Intervention Plan, pagdalo sa Pinalakas na Pugay Tagumpay Family Development Session, at pag-endorso sa lokal na pamahalaan para sa patuloy na post-service interventions.
Binigyang-diin ng DSWD FO2 na patuloy itong makikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at iba pang partner agencies upang matukoy ang mga serbisyong maaari pang maibigay sa pamilya. Kabilang dito ang tulong medikal para sa mag-asawa.
Hinikayat din ng ahensya ang publiko na gamitin ang Grievance Redress System ng 4Ps para sa anumang tanong, reklamo, o suhestyon. Maari lang lumapit sa Municipal Operations Office ng kanilang lugar.