
ECHAGUE, Isabela – Nasa 1,946 Day Care Workers (DCWs) at Barangay Health Workers (BHWs) mula sa lalawigan ng Isabela ang nakatanggap ng cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 2.
Ito ay kasabay ng paglulunsad ng LegisHear: Bawat Batas ay Mahalaga, isang nationwide public consultation initiative na inilunsad sa pangunguna ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.
Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng tig-₱5,000 na agarang suporta upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa gitna ng nararanasang krisis sa suplay ng langis.
Sa kabuuan, umabot sa ₱9.73 milyon ang naipamahaging cash assistance sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Ang listahan ng mga benepisyaryo ay nagmula sa kani-kanilang City at Municipal Social Welfare and Development Offices (C/MSDWOs) sa lalawigan ng Isabela.
Dumalo rin sa payout sina DSWD Crisis Intervention Program Director III Lea Bangalan, DSWD FO2 Regional Director Lucia Suyu-Alan, Crisis Intervention Section Head Valentina Monterubio, at Isabela SWAD Team Leader Cecile Turingan.
Kasabay ng payout, nagsagawa rin ang DSWD Field Office 2, sa pamamagitan ng Planning and Policy Division (PPD) ng Focus Group Discussion (FGD) sa mga Day Care Workers. Tinalakay sa aktibidad ang iba’t ibang programa ng ahensya, kabilang ang Sustainable Livelihood Program (SLP) at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) upang makalikom ng mga pananaw at mungkahi na makatutulong sa pagpapalakas ng paghahatid ng mga serbisyong panlipunan at magsilbing batayan sa pagbabalangkas ng mga polisiya at panukalang batas.
Sa kanyang mensahe, kinilala ni RD Alan ang mahalagang papel ng mga Day Care Workers bilang mga katuwang ng ahensya sa paghahatid ng mga programa at serbisyong panlipunan. Pinasalamatan din niya ang kanilang patuloy na dedikasyon at malasakit sa paglilingkod sa mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran.
Aktibong nakibahagi ang mga Day Care Workers sa talakayan at ibinahagi ang kanilang mga karanasan at mga hamong kinakaharap sa paghahatid ng serbisyo sa kanilang mga komunidad.
Ang LegisHear ay isang inisyatibo na naglalayong ilapit ang Kongreso sa mga mamamayan sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga mambabatas, mga ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, at iba’t ibang sektor upang talakayin ang mga prayoridad na panukalang batas habang inilalapit din ang mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan sa mga komunidad.
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD



