Para sa maraming magulang, ang pinakamabigat na pasanin ay ang makita ang kanilang mga anak na may pangarap ngunit kulang ang kakayahang maabot ito.
Ito ang naging realidad ni Gloria T. Kadusali, isang maybahay mula sa Barangay Ngarag, Cabagan, Isabela. Kasama ang kanyang asawa, pinalaki nila ang kanilang pitong anak sa gitna ng matinding kahirapan. Araw-araw ay pakikipaglaban sa kakulangan ang kanilang buhay. Ang kinikita ng pamilya ay madalas na hindi sapat para sa pagkain, pag-aaral, at iba pang pangunahing pangangailangan. May mga pagkakataong napipilitan silang mangutang upang mairaos lamang ang bawat araw.
Sa kabila ng lahat, hindi kailanman nawala ang pangarap ni Gloria na mapagtapos ang kanyang mga anak. Naniniwala siyang ang edukasyon ang tanging yaman na hindi kailanman mawawala sa kanila.
Dumating ang pagkakataong naging benepisyaryo ang kanilang pamilya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Hindi man nito nawala ang lahat ng kanilang problema, naging malaking ginhawa ito sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Ang cash grants na kanilang natatanggap ay naging tulong upang matustusan ang mga gastusin sa pag-aaral ng kanilang mga anak, tulad ng mga gamit sa paaralan, baon, at iba pang pangangailangan. Nakatulong din ito upang matiyak na napapangalagaan ang kalusugan ng bawat miyembro ng pamilya.
Ngunit higit pa sa tulong pinansyal ang naibigay ng programa.
Sa bawat Family Development Session, natutunan ni Gloria ang kahalagahan ng responsableng pagiging magulang, tamang pamamahala ng pananalapi, at wastong pagdedesisyon para sa kinabukasan ng kanyang pamilya. Ang mga simpleng aral na ito ang naging gabay upang mas maging maingat sila sa paggastos at higit na unahin ang edukasyon ng kanilang mga anak.
Dahil sa pinagsamang tulong ng 4Ps at walang sawang pagsisikap ng pamilya, unti-unting nagbunga ang kanilang mga sakripisyo.
Ang kanilang panganay na si Kiara Jane ay nagtapos ng Bachelor of Science in Entrepreneurship sa Cagayan State University at ngayon ay isa nang supervisor sa isang kompanya sa Bonifacio Global City. Sumunod namang nagtapos ng Bachelor of Science in Business Administration ang kanilang ikalawang anak na si Hannah Jhean at kasalukuyan nang nagtatrabaho sa isang BPO company. Ang isa pa nilang anak na si Daniela Marie ay nasa huling taon na ng kursong Bachelor of Science in Tourism at inaasahang magtatapos ngayong taon. Ang iba pa nilang mga anak ay patuloy na nagsisikap sa pag-aaral upang maabot din ang kanilang mga pangarap.
Para kay Gloria, ang pinakamahalagang bunga ng programa ay hindi lamang ang mga grant na kanilang natanggap, kundi ang pagkakataong mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanyang mga anak.
Hindi rin nagtapos sa kanilang pamilya ang mga pagbabagong dulot ng 4Ps. Bilang Parent Leader, ibinabahagi ni Gloria ang kanyang karanasan upang hikayatin ang kapwa benepisyaryo na maging responsable sa kanilang mga tungkulin, dumalo sa Family Development Sessions, at gamitin nang wasto ang mga benepisyong natatanggap. Aktibo rin siyang nakikilahok sa mga programa ng barangay at nagsisilbing inspirasyon sa kanyang komunidad.
Ngayon, kapag binalikan ni Gloria ang mga panahong kinakailangan nilang mangutang upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng kanilang mga anak, napapalitan ito ng pasasalamat at pag-asa. Ang mga batang minsang pinangarap lamang niyang makapagtapos ay unti-unti nang nagiging mga propesyunal na handang bumuo ng sarili nilang kinabukasan.
Patunay ang kuwento ng pamilya Kadusali na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay hindi lamang nagbibigay ng pansamantalang tulong. Kapag sinamahan ng sipag, tiyaga, at pagmamahal ng isang pamilya, nagiging daan ito upang mabuksan ang mga oportunidad na minsang tila imposibleng maabot.