Habang patuloy na nakararanas ng masamang panahon ang ilang bahagi ng Isabela dahil sa umiiral na bagyo, mas pinaigting ng Department of Social Welfare and Development Field Office 2 (DSWD FO2) ang paghahatid ng agarang tulong sa mga komunidad sa mga bayang mahirap marating.
Bago ang payout activity, nagsagawa si DSWD Field Office 2 Regional Director Lucia Suyu Alan, kasama si Imelda Decena, Division Chief ng Innovations Division, ng courtesy visit kay Maconacon Mayor Aida G. Manalay at kay Divilacan Vice Mayor Ceasar Tabbada, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan. Tinalakay sa nasabing pagpupulong ang mga nakatakdang aktibidad ng DSWD sa dalawang bayan at ang patuloy na pagpapalakas ng koordinasyon sa lokal na pamahalaan. Nagpahayag din ng pasasalamat si RD Alan sa suporta at pakikipagtulungan ng mga opisyal ng Maconacon at Divilacan sa paghahatid ng mga programa at serbisyo ng DSWD sa kanilang mga komunidad.
Pinangunahan ni RD Alan ang payout activity para sa mga benepisyaryo ng CAFGU Active Auxiliary (CAA), Barangay Health Workers (BHWs), at Day Care Workers sa mga bayan ng Maconacon at Divilacan. Sa kabila ng umiiral na masamang panahon, ipinagpatuloy ng ahensya ang pamamahagi ng tulong upang matiyak na makarating ang suporta ng pamahalaan sa mga nangangailangan.
Kabuuang 63 na CAA beneficiaries ang tumanggap ng tulong pinansyal, kabilang ang 34 mula sa Maconacon at 29 mula sa Divilacan. Samantala, 96 na BHWs at Day Care Workers ang nabigyan din ng ayuda, kung saan 42 ang mula sa Maconacon at 54 ang mula sa Divilacan. Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng 5,000 pesos na tulong pinansyal, kaya umabot sa 795,000 pesos ang kabuuang halagang naipamahagi sa payout activity.
Ang mga benepisyaryo ay kabilang sa mga frontline community workers na patuloy na nagsisilbi sa kanilang mga barangay sa gitna ng iba’t ibang hamon, kabilang ang mga panganib na dulot ng masamang panahon. Bilang mga katuwang ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kaayusan, kalusugan, at pangangalaga sa mga bata, mahalaga ang kanilang ginagampanang papel lalo na sa panahon ng kalamidad.
Ipinakita rin ng aktibidad ang patuloy na layunin ng DSWD FO2 na mas mailapit ang mga serbisyo nito sa mga lugar na mahirap marating. Sa gitna ng umiiral na bagyo, ipinamalas ng ahensya na ang paghahatid ng tulong ay hindi lamang tungkol sa pamamahagi ng ayuda kundi tungkol din sa pagpapatibay ng tiwala, pakikipag-ugnayan, at malasakit sa bawat komunidad.
Sa bawat biyaheng tinatahak at sa bawat serbisyong naihahatid, pinatutunayan ng DSWD FO2 na ang tunay na layunin ng serbisyong panlipunan ay ang walang iwanan, lalo na sa panahon ng pangangailangan.