PROJECT LAB UPDATES | Matapos ang 20 araw na pakikilahok sa Cash-for-Training/Work, nasa kamay na ngayon ng mga partner-beneficiaries ang pagpapanatili at pagpapalago ng mga project site ng Project LAWA at BINHI sa Camalaniugan, Cagayan.

Ito ang naging sentro ng isinagawang Ceremonial Turnover sa project site ng Brgy. Bantay noong September 3, 2026.

Ayon kay DSWD-DRIMS Head Virginia Magno, bahagi ng programa ang turnover upang mabigyan ng kakayahan ang mga partner-beneficiaries na sila mismo ang manguna at magpatuloy sa kanilang mga proyekto.

Nagpasalamat din siya sa LGU at mga partner agencies sa patuloy na pakikipagtulungan sa DSWD upang matiyak na magpapatuloy ang mga nasimulan sa ilalim ng Project LAWA at BINHI.

Hinikayat naman ni Municipal Mayor Isidro Cabaddu ang mga partner-beneficiaries na alagaan at ipagpatuloy ang kanilang nasimulang proyekto. Binigyang-diin niya na kailangan ang sipag at sakripisyo ng mga miyembro ng asosasyon upang mapanatili at mapalago ito.

Tiniyak ni Office of the Provincial Agriculturist Representative Romar Soriano ang patuloy na suporta ng kanilang tanggapan, katuwang ang DSWD, LGU at iba pang partner agencies, sa pamamagitan ng technical assistance at agricultural support.

Ayon kay Soriano, makatutulong ang mga natutunan ng partner-beneficiaries sa programa upang magkaroon sila ng mas matatag at pangmatagalang kabuhayan.

Nagpahayag din ng suporta si Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Representative Zeny Usigan. Bukod sa pamamahagi ng fingerlings, sinabi niyang handa ang BFAR na magbigay ng training at technical assistance sakaling nais ng asosasyon na magdagdag ng fisheries-related livelihood sa kanilang proyekto.

Nagpasalamat naman si Bantay Project LAWA at BINHI Association President Rommel Martinez sa mga ahensya at lokal na pamahalaan na sumuporta sa kanilang asosasyon.

Tiniyak niyang ipagpapatuloy ng mga miyembro ang proyekto dahil nakikita nila ang pakinabang nito sa kanilang mga pamilya at komunidad.

Kasama rin sa aktibidad sina MSWDO Corazon Ursulum, MAO Rodel Pasaraba, at mga partner beneficiaries mula sa tatlong sites.

#ProjectLAWAatBINHI

#BawatBuhayMaSaDSWD