Nakilahok ang Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan Rehiyon Dos (DSWD FO2) sa isinagawang “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat” caravan noong Setyembre 14, 2026, na sabay-sabay na isinagawa sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, at Quirino.

Bilang bahagi ng aktibidad, inilapit ng DSWD FO2 sa mga mamamayan ang iba’t ibang programa at serbisyo ng Kagawaran, kabilang ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), partikular ang UPLIFT Assistance Tranche 2, na naglalayong magbigay ng karagdagang suporta sa mga pamilyang nangangailangan.

Sa isinagawang payout ng ikalawang tranche ng UPLIFT Assistance, nasa 3,949 na benepisyaryo mula sa limang lalawigan ng Lambak ng Cagayan ang nabigyan ng tig-₱2,000 na ayuda, para sa kabuuang ₱7,898,000 na naipamahagi. Kabilang dito ang 912 benepisyaryo sa Isabela, 2,413 sa Cagayan, 294 sa Quirino, 311 sa Nueva Vizcaya, at 19 sa Batanes.

Tampok din sa caravan ang WISUPPORT Booth, kung saan inilapit sa mga dumalo ang impormasyon at iba pang suporta para sa mga benepisyaryo ng programa. Samantala, itinampok naman ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ang mga produkto ng mga SLP Association (SLPA) sa pamamagitan ng Kadiwa, sa pakikipagtulungan sa National Irrigation Administration (NIA), bilang bahagi ng pagsusulong ng kabuhayan at market opportunities para sa mga benepisyaryo.

Sa Cagayan, walong SLP Associations na may 16 na benepisyaryong kinatawan ang lumahok, na may kabuuang halagang ₱1.6 milyon para sa kanilang mga kabuhayan. Sa Isabela naman, 17 SLP Associations na may 34 na benepisyaryong kinatawan ang lumahok, na may kabuuang ₱3.4 milyon.

Samantala, sa ilalim ng Disaster Response Management Division (DRMD), 499 benepisyaryo ang nabigyan ng Emergency Cash Transfer, na may kabuuang disbursement na ₱2,532,245.

Isinagawa rin ang ceremonial awarding of certificate sa mga Provincial Local Government Unit (PLGU) na benepisyaryo ng Supplementary Feeding Program (SFP). Sa ilalim ng CY 2026 SFP o Batang Nutri-Care, anim na munisipalidad sa lalawigan ang nakatanggap ng eating utensils para sa mga Day Care Center na kabilang sa programa.

Sa pamamagitan ng Handog ng Pangulo 2026, patuloy na inilalapit ng DSWD FO2 ang mga serbisyo, tulong, at oportunidad sa mga mamamayan ng Cagayan Valley, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng pamahalaan, upang matiyak na ang bawat pamilya ay may access sa mga programang makatutulong sa kanilang kabuhayan, pagkain, at pang-araw-araw na pangangailangan.