CAGAYAN VALLEY — Sa pamamagitan ng Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC) program, patuloy na ipinagkakaloob ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) ang tulong pinansyal sa mga kwalipikadong indigent senior citizen sa Cagayan Valley.
Sa pagsisimula ng payout para sa ikatlong quarter ng 2026, umabot na sa 238,130 indigent senior citizens ang napagkalooban ng Social Pension, na may kabuuang halagang ₱714,390,000.
Para sa maraming nakatatanda, malaking tulong ang dagdag na ito sa pagtugon sa kanilang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, gamot, at iba pang gastusin sa araw-araw.
Naihahatid ang assistance sa pamamagitan ng transfer of funds sa mga katuwang na local government unit at DSWD-managed payouts para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Bagama’t marami na ang napagkalooban, patuloy pa rin ang payout para sa ikatlong quarter sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng DSWD FO2 sa mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang upang maging maayos ang pamamahagi at matiyak na makararating ang Social Pension sa mga kwalipikadong senior citizen.
Sa pagpapatuloy ng payout, nananatiling nakatuon ang DSWD FO2 sa paglalapit ng mga serbisyo sa social protection sa mga nakatatandang higit na nangangailangan.

