PROJECT LAB UPDATES | Higit pa sa pansamantalang trabaho, nagbigay ang Project LAWA at BINHI ng pagkakataong matuto, kumita at magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan ang mga partner-beneficiaries sa Santa Teresita, Cagayan.

Ito ang ibinahagi ni Gng. Imelda Corpuz, isang farm laborer, fish vendor at miyembro ng 4Ps, kasabay ng isinagawang Project LAWA at BINHI Ceremonial Turnover sa bayan noong September 7, 2026.

“Malaking tulong ito sa aming kabuhayan. Nakadagdag sa gastusin araw-araw at sa edukasyon ng mga anak ko,” ani Corpuz.

Ngunit higit sa kinita, pinahalagahan niya ang mga bagong kaalaman at kasanayang natutunan sa programa.

Natuto siyang gumamit ng mas ligtas na pamamaraan sa pagtatanim, kabilang ang paggamit ng organic fertilizer. Natutunan din niya ang pagpapanatili ng project site, pamamahala sa kita mula sa ani at pakikipagtulungan sa mga kasama bilang bahagi ng asosasyon.

Kasabay ng turnover, tiniyak ng lokal na pamahalaan at iba pang partner agencies ang patuloy na suporta upang mapanatili at mapalago ang mga project site bilang alternatibong pagkakakitaan ng mga benepisyaryo.

Tiniyak ni Municipal Mayor Atty. Rodrigo P. De Gracia ang pamamahagi ng libreng fingerlings na popondohan ng LGU para sa mga project site.

Nagpaabot din ng suporta ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Municipal Agriculture Office (MAO), Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Agriculture at Office of the Provincial Agriculturist sa pamamagitan ng technical assistance, skills training, seedlings, feeds at fingerlings.

Hinikayat naman ni Atty. Juan Zalun, DSWD Field Office 2 Chief Administrative Officer, ang mga partner-beneficiaries na huwag maging “ningas-kugon” at ipagpatuloy ang mga nasimulan sa Project LAWA at BINHI.

Aniya, hindi nagtatapos sa turnover ang proyekto. Nasa kamay na ng mga benepisyaryo ang pagpapanatili at pagpapalago ng mga project site upang patuloy itong maging dagdag na pagkakakitaan para sa kanilang pamilya at komunidad.

#ProjectLAWAatBINHI

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD