PROJECT LAB UPDATES | Tiniyak ng Lokal na Pamahalaan ng Pamplona, Cagayan ang patuloy nitong suporta sa pagpapanatili at pagpapatuloy ng mga project site ng Project LAWA at BINHI (PLAB).
Ito ay kasabay ng isinagawang Ceremonial Turnover sa project site sa Brgy. Casitan, Pamplona kahapon, September 2, 2026.
Layunin ng aktibidad na pormal na maipasa sa mga organisadong asosasyon at partner-beneficiaries ang responsibilidad sa pangangalaga, at pagpapanatili ng mga sites na nabuo sa ilalim ng PLAB.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Municipal Mayor Digna Puzon-Antonio ang mga partner-beneficiaries na alagaan at palaguin ang mga proyektong ipinagkatiwala sa kanila.
Binigyang-diin din ng alkalde na mahalagang mapanatili ang proyekto upang patuloy itong makatulong sa mga pamilya, lalo na sa pagkakaroon ng sariling pagkukunan ng pagkain at kabuhayan.
Nangako rin si Mayor Puzon-Antonio na siya mismo ay magmomonitor sa mga project site upang masubaybayan ang pagpapatuloy at kalagayan ng mga proyekto. Hinikayat niya ang mga partner-beneficiaries na gampanan ang kanilang responsibilidad at sama-samang panatilihin ang proyekto upang hindi masayang ang mga naumpisahang gawain.
Samantala, pinuri ni DSWD Field Office 2 Regional Director Lucia Suyu-Alan ang LGU Pamplona sa maagap na implementasyon at patuloy na suporta nito sa mga programa ng ahensya.
Hinimok din niya ang mga partner-beneficiaries na ipagpatuloy ang kanilang pagkakaisa upang lalo pang mapalakas at mapalawak ang mga proyektong kanilang pinangangasiwaan.
Nagpahayag din ng suporta ang mga kinatawan mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Office of the Provincial Agriculturist, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), at Municipal Agriculture Office (MAO).
Kabilang sa kanilang mga ipinangakong suporta ang pagbibigay ng karagdagang technical assistance, seedlings, at fingerlings upang makatulong sa patuloy na pagpapaunlad ng mga project site.
Ang project site ay lupang ipinagamit ng mga may-ari sa pamamagitan ng usufruct agreement para sa pagpapatupad ng Project LAWA at BINHI.
Sa pamamagitan ng turnover, inaasahang higit pang mapapalakas ang pagtutulungan ng DSWD, LGU, partner-beneficiaries, at iba pang stakeholders sa pagpapatuloy ng mga proyektong naglalayong tugunan ang food insecurity at water insufficiency.
#ProjectLAWAatBINHI
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

