(Liham ni ALONA MANGALNIDAN, Parent Leader ng Brgy. Antonino, Alicia, Isabela)

Ako po si Alona Mangalnidan, isa pong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng Brgy. Antonio, Alicia, Isabela. Noong wala pa pong Pantawid dito sa Alicia, kayhirap po ng buhay namin. Kami po ay isang kahig, isang tuka. Dahil pos a kahirapan, lahat po ng trabaho ay pinasok ko upang mabuhay po ang aking pamilya.

Binuhay ko po ang pamilya ko sa pagiging isang Kubrador. Alam ko pong ilegal ang jueteng, ngunit mas nangingibabaw po ang kagustuhan kong malagyan ng pagkain ang aming hapag. Sa pagiging kubrador ko po kinukuha an gaming pangkain at gastusin araw-araw.

Setyembre po ng nakaraang taon ay pinalad po akong mapasama bilang isa sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya. Magkahalong tuwa at lungkot po ang aking naramdaman. Tuwa dahil batid ko pong ang programa ay magbibigay ng tulong pinansyal para sa kalusugan at edukasyon ng aking mga anak. Ngunit nalungkot din ako dahil ipinagbabawal sa programa ang pagsusugal at pag-inom ng alak. Sa isip ko po, saan na ako kukuha n gaming pangangailangan araw-araw kung ipinagbabawal naman ang pagiging Kubrador ko?

Sa mga susunod pa naming miting sa aming Municipal Link, mas nabigyang-diin po ang pagtatalakay tungkol sa Pantawid, ang mga kondisyon na dapat naming magampanan, at ang epekto nito sa halaga ng cash grant na maaari naming matanggap. Ngunit ang higit na tumatak sa aking isipan ay ang mga gawaing hindi dapat gawin bilang isang benepisyaryo, tulad na lamang ng pagsusugal.

Naihalal din ako bilang isang Parent Leader, na nung una ay muntik ko ng tanggihan. Masasayang lang kasi ang oras ko sa pag-iikot sa mga bahay-bahay dahil tiyak na marami akong maipapataya.

Hindi naglaon, buong puso kong niyakap ang pagiging isang Parent Leader, sa paghihikayat na rin n gaming ML at ng aking mga kapwa benepisyaryo. At dito na nagsimulang magbago ang ikot ng aking mundo.

Laking tuwa ko ng matanggap ko ang aming unang cash grant, agad kong binili ang pera ng bagong gamit sa eskwelahan ang aking mga anak. Dahil din sa Family Development Sessions o FDS, tuluyan ng nawala sa aking sistema ang pagiging isang kubrador.

Hindi lang ang pagiging kubrador ang paraan upang kumita ako ng kahit na kaunting halaga. Marami pang ibang paraan. Maraming paraan upang kahit paunti-unti ay umahon sa kahirapan. Sa ngayon po, ay maipagmamalaki kop o na isa na akong Franchise Dealer ng sari-saring produkto: Avon, Natasha, MSE at Tupperware pa. Ang munti kong kita ay siya ng tumutugon sa aming pangangailangan araw-araw.

Samantala, ang cash grant naman na aming natatanggap ay inilalaan ko para sa aming kalusugan, lalong lalo na sa pag-aaral ng aking mga anak.

Lubos po akong nagpapasalamat sa Pantawid. Isa po itong napakalaking biyaya sa katulad kong mahirap. Ngunit higit po sa tulong na naibibigay ng programa para mapangalagaan ang kalusugan ng aking pamilya at edukasyon ng aking mga anak, ay ang pagbabagong idinulot nito sa aking pagkatao at asal upang mas maging mabuti at responsible akong magulang, at mas maging kapaki-pakinabang na nilikha dito sa mundong ibabaw. ###