Patuloy pa ring makakatanggap ng cash grant ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na lumikas mula sa mga lugar na apektado ng bagyong Yolanda at nakatira na sa ibang rehiyon, ayon sa Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad o ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang mga benepisyaryo na lumipat ng kanilang tirahan ay pinapayuhang makipag-ugnayan sa Municipal/City Link o sa Social Welfare Development Officer na nakatalaga sa lugar na kanilang kasalukuyang tinutuluyan upang ang kanilang mga rekord ay maupdate. Kinakailangang maupdate ang record ng benepisyaryo upang maiproseso ang kanilang cash grant.

Ilan sa mga dokumentong kailangang ipakita ay ang Pantawid Pamilya identification (ID) card, cash card (ATM) o ang Panunumpa.

Samantala, ang mga benepisyaryong walang maipakitang papeles ay ivavalidate sa database ng DSWD Central Office o mula sa database ng pinanggalingang rehiyon.

Kaugnay pa nito, ang lahat ng Municipal/City Link sa rehiyon ay dapat ding alamin kung ang paglipat ng tirahang ng benepisyaryo ay pansamantala o permanente. Kung ang paglipat ay pansamantala lamang, aalamin kung kailan balak ng benepisyaryong bumalik sa kanilang orihinal na tirahan.

Agad naming aasikasuhin ng Municipal/City Link ang pagproseso ng update ng benepisyaryo kung permanente na ang paglipat alinsunod sa kasalukuyang proseso ng “Change Address” sa Beneficiary Data Management.

Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay proyekto ng pamahalaan na ipinapatupad ng DSWD. Layon ng programa na maitaas ang kalidad ng buhay ng mahihirap na pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal para sa kalusugan at edukasyon ng mga batang edad 0-14 taong gulang.

Upang patuloy na makatanggap ng cash grant, ang mga benepisyaryo ay kailangang sumunod sa mga kondisyon ng programa para sa kalusugan at edukasyon, at ang pagdalo sa Family Development Session.

Sa ngayon, mayroon 3. 92 milyong pamilya ang benepisyaryo ng programa sa buong bansa. ### Ni MARICEL B. ASEJO, Pantawid Information Officer II