Upang mapag-ibayo ang pagtutulungan ng DSWD at Civil Society Organizations (CSOs) bilang GABAY, TULAY, BANTAY AT KAAGAPAY ng DSWD sa pagpapatupad nito ng iba’t ibang programa at serbisyo para sa mga maralitang Pilipino, partikular ang pagbibigay tulong sa mga nasalanta ng bagyong Lawin, pinasinayaan kahapon ang naturang pagsasama ng DSWD at CSO sa bayan ng Baggao, Cagayan.
Ang mga kinatawan ng DSWD na sina Director Carlos Padolina at Assistant Secretary Hope Hervilla ay humarap at sinagot ang mga katanungan ng ating mga kababayan sa Baggao partikular ang sistema sa pamamahagi ng relief goods at panuntunan sa pagpapatupad ng Emergency Shelter Assistance (ESA) katuwang ang Municipal Link na si Ms. Caridad Padron. Inalam din nila ang kalagayan ng mga residente matapos ang bagyo gayundin ang mga kinakaharap na alalahanin ng mga residente.
Pinangunahan ng grupong Agbaringkuas Cagayan Valley ang naturang diyalogo o konsultasyon.
Samantala, ipinaabot ng DSWD ang pagsuporta nito sa mga nasalanta ng bagyo sa bayan ng Baggao kay Mayor Leonardo C. Pattung na ipinagpasalamat ng huli. Lubos ding ikinagalak ng DSWD ang pahayag ni Mayor Pattung na ang pamahalaang lokal ng Baggao ay magbibigay din ng limang libong shelter assistance sa kanilang mga kababayan. Ang shelter assistance na ito ay bukod pa sa ESA ng DSWD. ### By: Gela Flor R. Perez, Regional Information Officer II