Nasaksihan ang pagtutulungan ng pamahalaan at Civil Society Organizations (CSOs) sa paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayang nasalanta ng bagyong Lawin sa Abariongan Uneg at Calasitan, Sto. Nino, Cagayan
Pinatunayan ng Cagayan Valley Disaster Response Center (CVDRC) at Aguilang Pilipino na ang CSOs ay TULAY, BANTAY, GABAY AT KAAGAPAY ng DSWD sa kanilang pakikilahok at pag-alay ng panahon sa pamamahagi ng family food packs sa mga nasalanta ng bagyo sa nasabing lugar.
“Ang DSWD ay nagpapasalamat sa mga volunteer groups kagaya ng CVDRC at Aguilang Pilipino sa kanilang pagmamalasakit at pagtugon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayang nasalanta ng bagyo,” pahayag ni DSWD Regional Director Ponciana P. Condoy.
Ang Abariongan Uneg at Calasitan ay malalayong lugar at tahanan din ng mga Aggay, ang grupo ng Indigenous Peoples sa bahaging ito ng Rehiyon Dos.
Ang family food packs ay inilipat sa supot na may DSWD logo upang mapadali ang pagdadala o pagbuhat ng mga residente lalong lalo na ang mga kababayan nating Aggay na bumaba pa mula sa bundok na kanilang tinitirhan. Kasama rin sa ipinamahagi ang family food packs handog ng CVDRC. ### By: Gela Flor R. Perez, Regional Information Officer II