Sinimulan na ng DSWD Field Office 02 ang pagbibigay ng paunang tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Lawin sa mga lugar na naisagawa at nakumpleto na ang assessment at validation ng mga nasirang kabahayan sa pamamamagitan ng Emergency Shelter Assistance (ESA) Program.
Nakatanggap ng paunang tulong na limang libong piso (P5,000.00) ang mga kwalipikadong benepisyaryo mula sa mga barangay ng Linao East, Atulayan Sur at Annafunan East, Tuguegarao City.
Samantala, patuloy pa rin ang isinasagawang assessment at validation sa iba pang apektadong lugar sa buong rehiyon.
Ang ESA ay tulong pinansyal para sa mga sambahayan na naapektuhan ng bagyong ‘Lawin.’ Sa ilalim ng programang ito, ang mga kabahayan na hindi lubusang nasira at maaari pang matirhan (partially damaged houses) ay makakatanggap ng kabuuang halaga na sampung libong piso (P10,000.00) at ang mga kabahayan na lubusang nasira at hindi na maaaring tirhan (totally damaged houses) ay makakatanggap ng tatlompung libong piso (P30,000.00). Subalit prioridad ng programa ang mga pinakamahihirap sa mahirap o poorest of the poor na biktima ng bagyong Lawin.
Ang balanse ng kabuuang tulong ay ibibigay sa sambahayan matapos maaprobahan ang pondo ng Department of Budget and Management (DBM) para sa naturang programa. ### By: Gela Flor R. Perez, Regional Information Officer II