Sa tulong ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD, dalawang daan dalawamput isang (221) na benepisyaryo ng programa ang nakapagtapos ng bokasyonal na kurso sa TESDA-Aparri Polytechnic Institute noong Nobyembre 29, 2016.
Sa kanilang pagtatapos, pinasalamatan ni DSWD FO 02 OIC_Regional Director Ponciana P. Condoy ang TESDA bilang katuwang ng ahensya sa pagsisilbi sa mga kapuspalad nating kababayan sa pamamagitan ng bokasyonal na pagsasanay.
Gayundin, pinaalalahanan nya ang mga nagsipagtapos na magsumikap sa buhay.
“Gamitin ninyo ang inyong natutunan upang mapaunlad ang inyong sarili. Nandirito ang gobyerno para tulungan kayo subalit kailangang tulungan ninyo ang inyong mga sarili dahil ang inyong tagumpay ay nakasalalay sa inyong mga kamay,”mensahi ni Direktor Condoy.
Binigyan din ng toolkits ang mga nagsipag-tapos upang makatulong sa kanilang panimulang pagghanap-buhay kung saan mahigpit na pinaalala ni Direktor Condoy ang pabbabawal sa pagbenta ng naturang toolkits.
Isa sa mga nagtapos ay si Jordan R. Baniel sa kursong Housekeeping NC II.
“Nagpapasalamat ako sa DSWD at TESDA dahil ako ay nakapagtapos ng kursong bokasyonal. Sana ay marami pa kayong matulungan na katulad kong gustong mag-aral ngunit salat sa kabuhayan,” saad ni Baniel.
Si Baniel ay mapalad na natanggap sa isang hotel sa bayan ng Aparri. ### By: Gela Flor R. Perez, Regional Information Officer II