Unang una po sa lahat ay nais ko pong batiin ang pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na pinangungunagan ng ating magiliw at masipag na OIC Regional Director na si Madam Ponciana Condoy; at sa walang kapaguran nating Municipal Social Welfare and Development Office na kinatawan ni Ma’am Marilyn Espejo, ng isang malamig ngunit makabuluhang araw. “Pahad ni agsapa tayun amin!”

 Ako po si Benny Binando, limampu’t tatlong gulang, galing pa sa pinakamalayong barangay ng Latbang, sa bayan ng Kayapa, Nueva Vizcaya. Ayon sa aking nag-iisang kabiyak, isa akong mabuting asawa – kaya naman tagos sa puso ang aking pagmamahal sa kanya, at responsible at maaasahang ama sa aming nag ga-gandahan at nag ga-gwapuhang anim na mga anak. Ako ay ordinaryong mamamayan lamang ngunit aktibo akong nagtataguyod ng karapatan ng kapwa kong mga benepisyaryo ng programang ito.

Labinwalong taon na akong nagsisilbi sa Diyos bilang Pastor, tagapayo at punong tagapamahala sa anim na kongregasyon ng Calvary Gospel Tabernacle Church Ministry Inc. Sa komuninad, apat na taon na akong naninilbihan bilang Kalihim ng barangay, presidente ng Latbang Agricultural Sustainable Livelihood Program Association sa ilalim ng programang SLP ng DSWD, presidente ng Latbang Forest Management Association Incorporated sa ilalim ng pamamahala ng DENR, Team Leader ng Community Health Team, miyembro ng Red Cross Nueva Vizcaya at Japan Red Cross. Naihalal din akong presidente ng Japanese International Cooperation Agency (JICA).

Bilang isang ama at lider sa aming komunidad, naging isang hamon para sa akin ang manguna upang patuloy na maisulong ang mga karapatan ng bawat isa, lalo na’t mayroon din akong sariling pamilyang pinapahalagahan. Sinusuportahan ko ang pantay pantay na pagtrato sa mga kalalakihan at kababaihan lalo na ang pagbigay halaga sa kanilang kontribusyon sa pagpapaunlad ng pamayanan.

Ako ay isang purong dugong Kalanguya, o ang tinatawag na Indigenous People. Hindi naging madali ang pagpapa-intindi sa mga kapwa ko Kalanguya ang maluwag na pagtanggap sa iba’t ibang programa ng gobyerno. Ngunit bilang isang benepisyaryo ng Modified Conditional Cash Transfer o MCCT-IP, naging saksi ako sa pagbibida ng mabuting dulot ng proyekto sa mga Family Development Sessions kaya naman nakatulong ako sa patuloy na pagdalo at pakikipagtulungan ng kapwa ko sa mga pagpupulong at pagsakatuparan ng mga gawain ng programa. Malaki ang naging pagbabago sa lugar namin, isa sa mga ito ang sa higit na limampung taon na pagtitiis namin sa lampara ay napansin at nabigyan kami ng local na gobyerno ng serbisyong elektrisidad. Isa din ako sa mga nagsulong ng pagpapatayo ng maayos na palikuran o ang tinatawag nating water-sealed toilet.

Ang aking pagkaka-piling kinatawan ng Rehiyon sa “Idol ko si ERPAT” ay isang karangalan at hamon. Nagbukas ito ng pambihirang pagkakataon upang maipamahagi ko sa aking mga kapwa kalalakihan at namumuno ang pagbibigay halaga sa karapatan ng mga kababaihan at kabataan. Gusto kong hamunin ang mga kapwa ko lalaki, “Hindi ba mas masarap mabuhay kasama ang maunawain, malambing at mapagmahal na kabiyak? Isama na rin ang mga masayahin at masunuring mga anak.”  Hindi iyon imposible, at lalong hindi napakahirap gawin. Lagi po nating tatandaan na ang hinahangad nating lahat na “ideal” na pamilya ay nagsisimula sa “ama”. Kung papaano, ay dapat mapatibay ang itinatag na haligi ng respeto at pagmamahalan sa isa’t isa.

Maraming maraming salamat po sa pagkakataong ito. Ako po ay lubos na natutuwa sa pagbibigay patotoo sa harap ninyong lahat. Gagawin ko itong inspirasyon upang makapagbigay liwanag sa salita, isip at puso ng kapwa ko.

Ako po si Benny Binando, ang “Idol ko si ERPAT” ng 2016. Mabuhay po tayong lahat!!! ### By: Benny Binando, Idol ko si ERPAT! Regional Winner (Modelong Ama)