Ako po si Brian Carlo C. Navarro, nakatira sa Barangay Aurora, West Diffun, Quirino. Ipinagdiwang ko ang aking ika-12 na kaarawan noong January 27, 2017. Ang aking ama, si Allan Navarro ay dating isang trabahador sa isang grain buying station samantalang ang akin namang ina, si Marilyn Navarro ay dating labandera. Nasa ika-sampung baitang na ng pag-aaral ang aking ate na si Christine Mae Navarro.
Bago napabilang ang aming pamilya sa Pantawid Pamilya Pilipino Program ng DSWD, nasaksihan ko ang paghihirap ng aking mga magulang upang kami ay itaguyod at makapag-aral. Sapat lamang ang kanilang kinikita para sa pagkain pang-araw araw, kaya naman madalas ay hindi kami nabibigyan ng mga kinakailangan sa paaralan. Pinagtitiyagaan namin ang mga pinaglumaan naming gamit sa nakaraang taon o di kaya naman ay sa mga bigay ng mga kapitbahay o kaibigan.
Ang Pantawid Pamilya Pilipino Program sa akin
Taong 2012 nang mapabilang ang pamilya namin sa Pantawid Pamilya at doon ko nakita ang malaking pagbabago sa aming pamumuhay. Mula sa natatanggap naming cash grant, natutustusan na ng mga magulang ko ang mga bayarin namin sa paaralan, maliban sa nagpapa check-up kami sa health center kapag may karamdaman, mayroon na rin kaming maipambili ng aming mga gamot. Sa mga naitatabi ni nanay na kaunting pera, nakakabili kami ng mga bagong gamit tulad ng mga kwaderno, uniporme, sapatos at iba pa.
Sa mga magulang ko naman, masigasig silang dumadalo sa mga Family Development Sessions na siyang naging dahilan upang naisin nilang makaangat sa pamumuhay. Isa nang manggagawa sa lansangan ang aking ama, samantalang ang aking ina naman ay isa nang Health Worker sa barangay. Maliban doon, ipinagmamalaki kong isang aktibong Parent Leader ang aking ina. Lagi siyang naiimbitahang dumalo at makasama sa mga pagsasanay upang maging mas epektibo sa mga responsibilidad bilang pinuno.
Bilang Isang Exemplary Child
Naranasan ko na noon ang makasali sa Children’s month celebration sa Tuguegarao City taong 2015. Nakasama kami ng kapatid ko sa Dance Showcase at pinalad namang manalo. Ang cash prize na aming natanggap ay naitabi namin na pinambili ng mga gamit sa sumunod na pasukan. Sa pagsali ko ng paligsahan, naramdaman ko ang kakaibang kasiyahan na makasalamuha ang iba’t-ibang bata sa rehiyon. Noon pa lamang, ninais ko na muling makasama sa susunod na taon.
Labis ang aking kasiyahan na mahayag na Exemplary Child ng Quirino sa taong 2016. Nabigyan ako ng pagkakataong lumahok sa National Children’s Congress sa Maynila noong Nobyembre 18 hanggang 22. Sa isang linggong pagsasanay na ito, marami akong natutunan sa mga aktibidad katulad ng pagguhit, pagsayaw, pag-awit, paggawa ng kwento at mandato upang makatawag-pansin sa mga mambabatas sa pagpapahalaga sa aming mga bata ng Pantawid. Hindi ko malilimutan ang pagkakataong makapagsayaw sa harap ng daan daang bata sa AFP theatre noong Araw ng Kabataan. Maliban sa mga bagong karanasan, nadagdagan din ang aking mga kaibigan, hindi lamang sa lugar namin kundi mula pa sa iba’t ibang sulok ng bansa. Ang mga bakas ng aming maikling pagsasama ay makikkita sa mga ngiti at mga litrato.
Pangarap ko ang maging isang accountant. Maliban sa paborito kong aralin ang Matematika, alam kong kapag naging CPA ako, maiaahon ko ang aking pamilya mula sa kahirapan. Itinuturing kong napakalaking tagumpay ang pagiging isang exemplary child, isa ito sa mga hakbang upang makamit ko ang aking mga pangarap. Bilang isang exemplary child, gusto kong maging magandang halimbawa sa ibang bata, na kayang kaya nila ang pagbabago. ### By: Brian Carlo Navarro