Katanghalian, sa kasagsagan ng mga taong tahimik at mapasensiyang naghihintay sa napakahabang pila upang matanggap ang kaukulang kabayaran sa isang buwang paglilingkod sa programang “Cash For Work,” naroroon si Gng. Banilyn Waguis. Siya ay 46 taong gulang, halong Kalanguya at Ibaloi ang nananalaytay sa kanyang dugo, at ina ng tatlong supling, dalawa rito ay nag-aaral.
“Ang panganay ko, si Dennis Mark, disi-otso anyos na.” Magiliw na panimula niya, “Ayaw na kasing mag-aral. Naroroon siya ngayon sa La Trinidad, Benguet kung saan isa siyang laborer sa pagawaan ng Turmeric. Si Christina Joy ko naman, isa nang grade 10, sa Kongkong Valley National High School samantalang si bunsong Frances Bea ay nasa grade 9 sa parehong paaralan.”
Sa pagkuwento ng kanilang buhay, bakas ang lungkot sa kanyang mga mata, “Noong hindi pa kami nakakasama sa MCCT, marami kaming pagkukulang sa pangangailangan namin sa pang araw araw, lalo na sa pag-aaral ng mga bata. Ang asawa ko ay isang magsasaka. Kung minsan ay hindi naibabalik ang ipinuhunan, ako nama’y may munting tindahan. Yung mga naitatabi ko, imbis na magamit ko para sa akin, nahahati para may pandagdag sa sari sari store o kaya napupunta sa pambili ng gamot sa botika kapag walang makukuha sa Health Center.”
Patuloy pa ni Gng. Banilyn “Nalulungkot ako kapag naalala ko, required kasi sa paaralan ng mga anak ko na may sapatos sila, madalas ang sagot ko, saka na lang, saka na lang, kapag may pera na tayo. Naubos na ang suelas ng sapatos nila sa saka nalang. Yung klase kasi ng daan namin, mahirap, malayo pa, kaya hindi nagtatagal ang mga tsinelas o sapatos, madaling napupudpod.”
“Noong napasama kami sa MCCT, nauuna na naming natutustusan ang pag-aaral ng mga bata. Hindi nalang sa pambili ng mga gamit nila sa paaralan, pati na rin yung para sa mga proyekto nila. Nakakabili na rin ako ng sapatos nila, kahit na yung mura lang, ang importante, napalitan ng bago,” masiglang pagbabahagi pa ni Gng. Banilyn.
“Para naman sa aming mga magulang, malaking tulong ang Community Focus Group Discussions o CFDS. Natuturuan kami kung papaano maging responsabelng ina at maayos yung pakikipagkapwa sa ibang tao.” Sa tanong kung ano ang pinaka-nagkaroon ng malaking impluwensiya sa kanya, “Yung sa pakikisalamuha ko sa komunidad at pakikipagtulungan sa Barangay. Kasi hindi lang pala dapat sa sarili tayo nakatuon, dapat lumabas ka, makilahok sa mga proyekto ng barangay, mga pagpupulong at iba pa.”
“Hindi porke wala kang kaya sa buhay o wala kang pinag-aralan, hindi dapat iyon maging balakid sa pakikisama sa mga gawain ng komunidad. Katulad nalang dito sa Cash For Work, sa loob ng tatlumpung araw, nagsikap kami upang makatulong upang mapunuan ang mga kakulangan sa mga paaralan, sa health center, dun sa kung saan nangangailangan ng mga tulong naming,” pagtatapos ni Gng. Banilyn.
xxx isinulat ni Jeanet Antolin-Lozano