“Masasabi kong nakatawid ako sa kahirapan,” panimula ni Ginang Ma. Clara Duerme ng Brgy. Cabudadan, Calayan, Cagayan. May asawa, 42 taong gulang at may dalawang anak. Aniya, “Dahil sa programang Pantawid Pamilya Pilipino Program ng DSWD, nagkaroon kami ng negosyo at sa kalaanan ay nakapagpatayo ng bahay.”
Ibinahagi ni Gng. Clara na ang una nilang natanggap na cash pay-out ay lump sum na nagkakahalagang labing-apat na libong piso (P14,000.00). Napag-isip isip niya na hindi naman agaran ang mga bayarin ng mga bata sa paaralan kaya ipinuhunan muna ito sa negosyo. Ipinakita niya ang isang Durabox ng mga paninda.
“Nagbebenta ako ng puto, mais at mga kakanin sa umaga. Sa hapon hanggang magdilim ay nagbebenta din ako ng barbeque at ballot,” Saad pa niya.
“Mayroon din kaming ¼ na ektaryang bukid tinatamnan ng palay o mais. Iyon naman ang pinagkakaabalahan ng aking asawa. Paminsan-minsan kapag mahina ang ani, nagagamit ang pera para sa pag-aaral ng mga bata, ngunit sinisiguro ko naman na pagdating ng bayaran ay natutustusan namin agad ang mga gastusin.”
May ngiti sa mga labi niya sa pagkuwento, “Kumikita ako sa pagtitinda ng aabot sa PhP 900.00 kada maghapon at naitatabi ko doon ang PhP 200.00. Sa kalaunan ay nag-alaga na rin kami ng baboy, siya namang inaasikaso ng aking asawa.”
Dahil sa magandang pangyayaring ito, unti-unting natupad ang mga pangarap ng pamilya.
“Ang bahay namin noon ay gawa lamang sa Kawayan kaya hindi ito sapat na proteksiyon sa amin tuwing may bagyo,” Halos maluha siya sa pagkuwento, madalas madaanan ng bagyo ang Calayan. “Sa ipon namin, unti-unti naming naipasemento ang bahay. Nakakuha din ako ng retro payment na ginamit naman namin sa pagpapakabit ng kuryente.”
Sa ngayon, ang panganay na anak na si Ryan ay magtatapos na sa kursong BS Information Technology bilang isang ESGP-PA scholar. Ang bunso namang si Clain Joel ay nasa ika-anim na baitang sa Calayan Central School, siya na lamang ang mananatiling iskolar ng Pantawid Program sa pamilya Duerme.
“Sobra-sobra na ang naitulong sa akin ng DSWD. Kahit pa siguro ga-graduate na rin ako sa programa, makakapagtapos pa rin ang lahat ng mga anak ko. Ipagpapatuloy kong isa-isip at isagawa ang mga natututunan ko sa mga Family Development Sessions. Nagpapasalamat ako sa programang ito.” Ang panghuling mensahe ni Gng. Duerme.
*isinulat ni Angelisa Mendez