Makati City – Umani ang pambato ng Field Office 02, si Ginoong Benny Binando, ng ikatlong pwesto sa kagaganap lamang na Pambansang Timpalak ng Modelong Ama na ginanap sa AIM Conference Center sa lungsod ng Makati araw noong Marso 29,2017.
Ang Patimpalak ng Modelong Ama, na nilalahukan ng 18 na rehiyon sa buong bansa, ay ginaganap upang mabigyang karangalan ang mga haligi ng tahanan ng Pantawid Pamilya Pilipino Program na nagpapamalas ng natatanging galing at dedikasyon sa pakikipagtulungan para sa maayos na implementasyon ng programa.
Si Gg. Benny Binando ay isang Kalanguya ng Kayapa, Nueva Vizcaya. Siya ang puno ng kanilang pamilya na binubuo ng kaniyang maybahay at anim na mga anak. Maliban sa pagsasaka bilang pangunahing pinagkukunan ng kanilang pangkabuhayan, siya rin ay naihirang na Kalihim ng Lupon ng Barangay sa kanilang lugar.
Isang natatanging miyembro ng lipunan, naipapamalas ni Gg. Binando ang pagsisilbi sa Diyos bilang isang pastor ng kanilang simbahan. Nahirang din siyang tagapagpayo ng iba pang kalapit sa simbahan ng kabilang munisipyo.
Ang mga katangian niyang ito ang naging dahilan ng pagkahirang niyang Modelong Ama ng Rehiyon 2 sa ginanap na pang-rehiyong paligsahan noong buwan ng Oktubre ng nakaraang taon. Dinaig niya ang mga modelong ama ng mga probinsiya ng Cagayan, Nueva Vizcaya at Quirino.
****kwento ni Mac Paul Alariao