Ako si Rhys Ivan Jimenez, ipinanganak noong ika-4 ng Mayo taong 2003 kina Reymundo Jimenez at Edelyn Jimenez sa maliit na bayan ng Buguey, Cagayan. Tinaguriang “Crab Capital of the North” ang aking bayan sapagkat mayaman ang aming karagatan ng mga alimango at samu’t-saring lamang dagat. Pangunahing pangkabuhayan ng aking ama ang pangingisda samantalang isa namang responsableng maybahay ang aking ina.
Hindi naging madali ang pagtataguyod sa amin ng aking ama sapagkat umaasa lamang kami sa binibigay ng laot, sa panahon ng mga kalamidad, nagiging maramot ang dagat kaya naman noong bata pa lamang ako, natuto akong maging masinop. Gayunpaman, hindi ko kailanman naramdaman ang kakulangan sa aking buhay, sa tulong na rin ng Pantawid Pamilya Pilipino Program, nabawasan ang mabigat na responsibilidad ng pagpapaaral sa amin ng aking mga magulang.
Nagsumikap akong mag-aral upang masuklian ang mga sakripisyo ng mga magulang ko. Samantalang pumasok naman ako sa “Music Ministry” ng aming kapilya upang maibalik sa pamamagitan ng tugtugin ang magagandang biyayang ibinubuhos sa amin ng Poong Maykapal.
Hindi ko mailarawan ang aking naramdaman na mapiling Exemplary Child ng Cagayan, lalong lalo na ang mabigyan ng pagkakataong makadalo sa National Children’s Congress. Batid kong hindi lahat ng mga kabataang katulad ko ang nabibigyan ng ganitong pagkakataon kaya naman hindi ko pinalampas ang tsansang ito na hindi ako matututo.
Kaming kabataan ay nabibigyan ng boses at kakayahan upang isulong ang aming mga karapatan sa pamamagitan ng paraan na alam naming gawin. Naipapa-abot namin sa kinauukulan ang aming mga saloobin at mga ideya.
Para sa akin, ang kahulugan ng pagiging exemplary child ay nagiging ehemplo ako na dapat tularan ng kapwa ko benepisyaryo ng programa. Ako ay naging exemplary child upang maging patunay sa pag-aalaga at pagmamahal ng aking mga magulang. Hindi lamang ito isang paligsahan, ito ay isang karangalan ng pamilya ko at probinsiyang kinabibilangan ko.
###Kwento ni Rhys Ivan Jimenez