Sa isang maliit na habong sa barangay Cordova ng Amulung West, Cagayan, naroroon si Aling Maria Elena Laurente, kasama ang dalawa niyang dalagitang anak, abala sila sa pagtuhog ng panindang barbecue, isaw, dugo at hotdog samantalang nakaantabay naman  sa kusina ang mister na si Johnny sa pagdating ng mga kostumer na kakain ng pansit.

 

 

“Eto na kami ngayon, pero noong una, ibang iba talaga ang buhay namin, nakikisaka lang at nakiki-ani” panimula niya. “Nagsimula lang ako sa pagiging regular na benepisyaryo ng Pantawid Pamilya. Naghihirap din katulad ng iba kong mga kasamahan, nag-aalala araw araw kung saan namin kukunin ang aming pangangailangan sa pang-araw araw, lalo na sa pag-aaral ng mga bata.”

 

 

Nakatapos ng Hayskul ang panganay na anak, at nagtatrabaho na ngayon, samantalang nasa hayskul naman ang pangalawa at bunsong anak. Dahil nasa bakasyon ng mga nakababatang mga anak, sila ngayon ang tumutulong sa paghahanda ng mga paninda ni Aling Elena.

 

 

Simula nang mapabilang sila sa programa ay hindi pa kailanman nagkaroon ng masamang marka si Aling Elena, regular ang pagdalo niya sa mga Family Development Sessions at paggabay sa pagpasok ng mga anak sa paaralan. Dahil sa magandang record, napasama siya sa grupong nabigyan ng puhunan sa pamamagitan ng SEA-K, o Self Employment Assistance – Kaunlaran.

 

 

Sa halagang sampung libong piso, nagpatayo silang mag-asawa ng maliit na pansiterya. Naipatayo nila ang naturang kainan sa tabing kalsada sa Cordova, may kalayuan sa tinitirhang bahay sa Casingsingan Sur, pag-aari ng isang kamag-anak na siya namang nagpaunlak sa kanilang kagustuhan. Unti-unting nakilala ang kanilang pansit, sa katunayan, nagsimula na ring naghanap ng lutong ulam ang mga tao.

 

Isang ngiti ang sumilay sa kanyang labi, “Sa tuwing nakakatanggap ako ng pay-out, iniipon ko yung iba at unti-unting idinadagdag sa aking puhunan. Naalala ko noong bagyong Lawin, sa lakas ng hangin, nailipad ang paninda naming lutong ulam. Nanlumo ako sa ikakalugi ng aming kita, ngunit sa awa ng Diyos, noong araw ding iyon, nagdagsaan ang mga taong nagpansit. Kahit papaano, naibalik din agad ang puhunan.”

 

Ibinida rin niya ang masigasig na paggabay ng Municipal Action Team sa kaniyang pagsunod sa iba’t ibang kondisyon ng programa. Regular ang pagsagawa ng FDS at pagpupulong sa kanilang grupo, sa katunayan, madalas pa itong ginaganap sa kanyang pansiteria kaya naman nakakadagdag din ito sa kanyang kita. Ipinahiwatig din niya ang kagalakan sa pagpasok ng Sustainable Livelihood Program sa kanilang barangay.
Ang panghuli niyang mensahe, “Nagpapasalamat ako sa ibinibigay na tulong ng DSWD sa aming mahihirap, pati na rin ang paggabay ng lokal na pamahalaan. Para sa akin, hindi malabong maabot namin ang lahat ng aming mga pangarap sa aming mga anak!”

 

### Kwento nina Gina Tumanguil at Catherine Joy Ventura