Siya si Ginoong Gil Bengeulo Gornadas, limampu’t dalawang gulang at benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program mula sa Brgy. Matucay Allacapan, Cagayan. Sila ng kanyang maybahay na si Gloria, apatnapu’t walong gulang ay nabiyayaan ng apat na anak, dalawa sa mga ito ang ginagabayan ng programa.

 

Elementarya lamang ang natapos ni Mang Gil, dulot na rin ng kahirapan sa buhay. Ito ang naging dahilan kung bakit naging mailap ang permanenteng hanap-buhay. Gayunpaman, hindi ito pumigil sa kaniya upang magpursige sa buhay, “ Kahit hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral ng elementarya, pagsisikapan kong matuto ng kahit anong marangal na pangkabuhayan.”
Nagsimula siyang mamasukan bilang drayber ng bus sa iba’t ibang kumpanya hanggang sa matanggap siya sa G.V. Florida Bus Line, isa sa pinaka-malaking kumpanya ng transportasyon sa probinsiya. Nagdulot ng kasiyahan sa kanya ang maihatid ang mga pasahero sa kanilang destinasyon ng matiwasay at dahil na rin sa kanyang pag-iingat at pagsusumikap, nakapagsilbi siya mula 2009 hanggang 2015.

 

Siya lamang ang naghahanap-buhay sa kanilang mag-asawa sapagkat mahina ang kalusugan ni Gloria. Sa pamamagitan ng programang Pantawid Pamilya, natutustusan nilang mag-asawa ang pag-aaral ng mga anak. Ngunit hindi siya nagpaubaya lamang sa ayuda ng gobyerno, higit siyang nagsikap upang mapaayos ang kanilang kalagayan. Mula sa pagtatanim ng gulay sa bakuran, nagtitinda rin ang mag-anak ng yelo at ice candy tuwing tag-init.

 

Higit na kinagigiliwan niya ang paggawa ng iba’t-ibang palamuti gamit ang mga niresiklong plastik na bote. Nakakagawa siya ng plorera, sari-saring palamuti at higit sa lahat, mga lampara na binebenta naman ng kaniyang anak sa halagang hindi bababa sa bente sinko pesos bawat isa.

 

Isa pang pagsubok ang dumating sa pamilya nang kinailangan nilang lumipat sa Bago City, Negros Occidental nitong pagtatapos ng taong 2016. Nabahala si Mang Gil sa magiging malaking pagbabago sa buhay nila sapagkat magpapalit ng paaralan ang mga bata, maaapektuhan ang kaniyang hanap-buhay, maging ang kanilang maayos na kalagayan sa programa. Ngunit dahil sa masigasig na pagtutulungan ng kinatawan ng DSWD sa dalawang rehiyon, maayos na nakapag-transisyon ang pamilya Gornadas at patuloy pa rin nilang natatanggap ang ayuda mula sa programa.

Sa ngayon, ang pamilya Gornadas ay matiwasay na naninirahan sa Bago City ngunit madalas pa rin ang pakikipabalitaan sa tahanang iniwan sa Allacapan. Nagpatuloy pa rin ang kanyang paggawa ng lampara kasabay ng paglalako ng isda. Si Mang Gil ay isang modelong ama, nagsisilbing matingkad na ilaw sa at haligi ng kaniyang tahanan. Nagsisilbi siya bilang inspirasyon sa lahat na dapat pamarisan.

 

### Kwento ni FRANZ JOSEF F. SEGUIDO