Ako si Jorlee Baquiran Ortiz, isang CHED-ESGPPA grantee sa Isabela State University-Echague Campus. Nakapagtapos ako sa kursong Bachelor of Science in Accountancy noong Hunyo at isa nang Certified Public Accountant pagkatapos makapasa sa National Licensure Exam for Accountancy nito lamang mga huling buwan ng taon. Hindi tulad ng isang panaginip kagabihan na pagkagising kaumagahan ay naroon na ang pantasyang aking inasam. Ang paglalakbay ko ay naging mahirap at napuno ng pagsubok, isa-isang hinarap at pinagtagumpayan.
Lumaki ako sa isang simpleng pamilya sa Ramona, Angadanan, Isabela. Panganay na anak ni Rufino Ortiz Jr. at Rovelyn Baquiran. Ang kabataan ko ay hitik sa kwentong kabiguang nagsimula pa lamang sa pagkabigo sa pangarap ng aking ina na maging guro at sa ama kong nagiging mailap ang permanenteng trabaho.
Kasama ang apat kong mga kapatid nakita namin kung paano nagsakripisyo ang aming magulang na kumayod sa pagtratrabaho upang itaguyod ang aming pamilya. Gayunpaman, hindi sapat ang kanilang kita para sa gastusin sa tahanan higit pa sa pagtustos sa pag-aaral naming magkakapatid.
Satulong ng aking lolo at lola nakapagtapos ako sa elementary bilang isang Valedictorian sa Ingud-Ramona Integrated School. Ngunit sa kabila pa rin ng mga medalyang nakasabit sa akin ay marami pa rin ang hindi naniniwala sa kakayahan ko. Naging basehan nila ang katayuan namin sa buhay. Pagtungtong ko sa highschool, nasaksihan ko ang lalong paghirap ng aming pamilya. Pumapasok ang mga kapatid ko sa paaralan ng walang baon, maging sa panggastos sa bahay ay salat kami. Sa mga pagkakataong tulad non ay inisip kong tumigil sa pag-aaral at magtrabaho na lamang para tumulong.
Ngunit ang Diyos ay tunay na mapagbigay, tinulungan ako ng aming punung-guro na magkaroon ng scholarship sa Jikke Geertruida Scholarship Foundation na nagbigay ng tulong pinansiyal na aking nagamit sa pambili ng mga kagamitan, uniporme at baon pang araw-araw. Ang guro ko din na sadyang batid ang kalagayan ng aking pamilya ay nagbigay tulong sa pagbabayad ng aking matrikula. At noong 2013 ay nakapagtapos nga ako sa highschool bilang isang Valedictorian.
Imbis na ipagdiriwang ang pagtatapos ko, masalimuot na balita ang ipinarating ng aking lola. Hindi na raw ako maaaring magpatuloy sa kolehiyo dahil sa mga gastusin sa matrikula at kasalukuyang pag-aaral ng aking mga kapatid. Noong una ay hindi ko maunawaan ang nais niyang ipabatid, alam kong hirap na hirap na rin sila sa pagpapa-aral sa akin. Naroroon rin ang pag-aalinlangan dahil sa kanilang pagkakautang upang pag-aralin ang kanilang mga anak ay sa kasawiang palad, hindi pa rin nakatagpo ng mainam na trabaho kahit pa sila’y nakapagtapos sa kolehiyo.
Sa kabila ng nasabi ng aking lola, nagpatuloy ako sa kolehiyo at kumuha ng kursong Accountancy, ang kursong gusto ko at pangarap ko. Muli ay nagtulungan ang aking pamilya, dito na rin pumasok ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program na naglapit pa sa akin sa mga programang pang-scholarship tulad ng BRO. Ang determinasyon kong makapagtapos ay bugso ng nakikita kong suporta sa akin ng mga mahal ko sa buhay. Pinagbutihan ko ang pagaaral kayat nakuha ako na University Scholar ng ISU. Nakatulong ito upang mabawasan ang aking bayarin sa matrikula.
Nagsimula na ring bumuhos ang biyaya sa amin nang isang araw ay pinuntahan ako ng aking ina sa boarding house at sinabihang magpasa ng mga requirements (certificate of grades at assessment form) sa munisipyo sa opisinang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Duon ay pinaliwanag sa amin at pinakilala ang Expanded Students-In-Aid Program for Poverty Alleviation o ESGP-PA na programang kaagapay na ipinapatupad ng Commission on Higher Education.
Pagkalipas ang isang semestere, nilapitan ako ng isa kong kamag-aral upang ibalita na nakapaskil ang aking pangal. Noong una ay wala akong ideya kung bakit kaya lumapit ako sa Ofice of Student Services Affairs (OSSA) at duon ay sinabing makakatanggap daw ako ng 30,000 kada semester dahil napabilang na ako sa ESGPPA scholarship. Simula noon ay nagbago na ang aming pamumuhay. Hindi na nagkaroon ng problema ang aking pamilya kung saan sila uutang o kukuha ng aking weekly allowance, nabawasan ang aking iniisip na siyang nagging dahilan upang lalo kong mapagbuti ang aking pag-aaral at makapasa sa mahigpit na retention policy ng aking kurso. Nabibili ko na ang aking mga pangangailangan sa pag-aaral tulad ng mga malalaking libro, uniporme, sapatos at iba pa. Patuloy ko ring nakikita ang saya ng aking pamilya kayat tumibay ang aking magandang relasyon sa aking magulang kahit na lumaki ako sa aking lolo at lola. Noong pasko ay nahandugan ko rin ng munting regalo ang aking magulang at kapatid dahil nakapag-ipon ako.
Ang CHED-ESGPPA at PantawidPamilya ay hindi lamang nakatulong sa aking buhay pinansyal kundi pati sa sosyal at spiritual. Sa tulong ng aming Municipal Link at Office of the Student Affairs (OSSA), nakahanap ako ng mga kaibigan na kapwa ko rin scholars. Mga taong nagmulat sa akin sa malalim na pang unawa sa buhay. Sa magandang monitoring ng OSSA at pagtitipon naming mga lalaking scholars sa isang boarding house natuto akong magkaroon ng magandang relasyon sa Panginoon, makisama, ihayag ang aking saloobin at makita na hindi ako nag iisa sa aking pinagdadaanan. Sa tulong ng mga seminars ay lumawak ang aking kaalaman na tanggapin ang pagkakamali at itama ang mga ito. Nagkaroon ako ng self confidence at nawala ang inferiority complex ko bilang isang batang galling sa mahirap na pamilya.
Sa aking pagtatapos, nais kong ibahagi ang aking pagiging consistent University Scholar at pagtatapos bilang Magna Cum Laude ay magsilbing inspirasyon sa mga mag-aaral lalo na sa mga kapus-palad na tulad ko. Gusto kong maging patunay sa matagumpay na pagsugpo ng mana-manang kahirapan o inter-generational system of poverty.
Sa aking pagpasok sa propesyon bilang Certified Public Accountant, batid ko ang mas marami pang hamon upang makahanap ng permanenteng trabaho at makapagbalik ng tulong sa aking pamilya. Gayunpaman, ramdam ko ang suporta ng aking pamilya at pag-asa na ibinigay sa akin ng Pantawid Pamilya at CHED-ESGPPA. Alam kong ang aking paglalakbay ay hindi matatapos sa graduation at licensure examination. Ito ang magiging susi ko upang magkaroon ng magandang kinabukasan.
### Kwento ni Majesty Marie Pat Siazon