Gabriel Corsino ang pangalan ko, tubong Cordon Isabela at isa sa mga mapalad na benepisyaryo ng Expanded Students Grants-In-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA).

Nakikipag-labor lamang ang aking ama na kumikita ng 200 hanggang 250 piso kada araw kapag may mapasukan samantalang ang ina ko naman ay job order sa munisipyo, tumatanggap ng hindi hihigit sa 3,200.00 na piso kada buwan. Mahirap ang buhay ng pamilya namin sapagkat siyam kaming magkakapatid. Ang mga nakatatanda kong kapatid ay nagsipag-asawa na rin ngunit maging sila ay kapos sa buhay kaya hindi rin sila nakakatulong sa pagpapaaral sa aming mga mas batang kapatid nila.

Nararamdaman ko ang kakapusan sa aming simpleng pamumuhay, sa aming magkakapatid, pumapasok kaming madalas ay walang dalang pera o baon. Pinipili ko lang ang mga gawaing maaari kong salihan, lalo na kung ito ay walang kaakibat na gagastusan.

Gayunpaman, nakapagtapos ako ng sekondarya sa Cagasat National High School-Main Cordon, Isabela. Hindi ko inasahan na makakatungtong pa ako ng kolehiyo sapagkat wala naman sa mga nakatatanda kong kapatid ang nakatapos. Laking pasasalamat ko na mapasama ako sa mga nakatanggap ng ganitong oportunidad sapagkat hindi naman ako matatawag na honor student. Ang tangi kong maipagmamalaki ay ang kagustuhan kong sumasali sa mga organisasyon na kung minsan ay nahahalal pa akong mamuno.

Napaka laking tulong hindi lamang sa akin ang scholarship grant na natatanggap ko mula sa programang ito. Nagiging masinop ako, ang naitatabi ko sa natatanggap kong grant ay nagagamit ko sa tuwing may emergency at kung minsan ay nabibigyan ko pa ang mga magulang at mga kapatid para sa pang-araw araw namin.

Maliban sa cash grant ay nabibigyan din ako ng oportunidad upang makilahok sa iba’t ibang pagsasanay. Dito ko ibinubuhos ang aking kakayahan upang maipakita ko naman na karapat-dapat akong napili sa programang ito.

Noong December 2-4, 2016 natipon tipon kaming mga skolars ng ibat ibang organisasyon ng Isabela upang dumalo sa seminar, ito ay dinaluhan ng higit dalawang daang estudyante mula sa ibat ibang unibersidad na pinamagatang ‘’ I Advocate Change for Tomorrow.’’ Ito ay tungkol sa kung paano maging isang survivor sa mga disaster at paano makakatulong sa mga biktima. Dito ko natutunan kung ano ang mga pwede kong ihanda at gawin kapag may ganitong pangyayari at napakahalaga na may kaalaman sa mga bagay na ganito upang maihanda ang sarili, mailigtas ang pamilya at kapwa.

 

Tinalakay ng mga speaker ang tungkol sa earthquake, fire management, typhoon at iba pa. Tinuro din sa seminar na ito kung paano tumulong sa mga taong nakakaranas ng sobrang kalungkutan na pwedeng mauwi sa depression. Sa pagkakataong ito ay hinati ng mga facilitator ang bawat isa at bumuo ng mga grupo na may 8 myembro. Bawat grupo ay naatasan ng ibat-ibang paraan na dapat ipakita kung paano lutasin ang crisis na un, bawat isa ay binigyan ng pagkakataon ng makihalubilo sa ibang mga skolars, dito ako nagkaroon ng mga bagong kaibigan patunay na sa aming grupo na sama sama naming lulutasin ang problema ng walang naglalaglagan at maiiwan. Sa activity naito ay nakatanggap kami ng isang parangal at Masaya ako ng nabigyan ng pagkakataong makidalo sa mga ganitong training, maliban sa madami akong natututunan ay nagkakaroon pa ako ng madaming kaibigan.

 

Nasa ikatlong taon na ako ng kolehiyo sa Isabela State University ng Echague. Batid kong marami pa akong pagdadaanan bago ko makamit ang inaasam kong diploma, ngunit nakasisiguro ako ng darating ang araw na iyon, sa tulong na rin ng ESGP-PA, determinasyon naman ang aking puhunan.

 

###KwentoniKristle Ann Tasipit