Ako si Flordeliza O. Palding, 38 taong gulang at nakapagtapos ng Bachelor of Elementary Education. Ang asawa kong si Menardo Palding, 38 taong gulang, ay nakapagtapos din ng Bachelor of Science in Agroforestry. Ikinasal kami taong 2002 at nabiyayaan ng tatlong napakagandang mga anak.

 

Bagamat nakapagtapos kami ng asawa ko sa kolehiyo, naging mailap naman ang permanenteng trabaho. Gusto ko mang makatulong sa paghahanap-buhay ay hindi ko naman maaaring maging prayoridad iyon sapagkat mas kailangan ako ng aming mga anak. Lumaki kaming salat sa buhay kaya naman wala kaming naipundar bago pa man kami mag-asawa. Nakikitira lamang kami noon sa mga kamag-anak.

 

Si Krystal Mae ang aming panganay, 15 taong gulang na siya ngayon. Isa siyang special child at madalas ding magkasakit. Noong natuklasan namin ang kanyang kalagayan ay ninais na naming maipagamot siya sa isang espesyalista, ngunit dahil na rin sa walang permanenteng trabaho ang aking asawa, sa kanya ko na ibinuhos ang aking pag-aaruga.

 

Hindi madaling natanggap ng komunidad ang kalagayan ni Krystal Mae. Madalas ay napag-uusapan kung ano ang sanhi ng kanyang kalagayan, madalas din ang pagkutsa ng mga kapitbahay, (sanhi ng madalas naming pag-aaway ng aking asawa). Awang-awa ako sa aking anak.

 

Makalipas naman ng pitong taon, dumating sa buhay naming mag-asawa ang kambal na sina Aizel at Aizie. Magkahalong saya at pag-aalinlangan ang naramdaman namin sapagkat batid naming mag-asawa ang paglobo ng mga gastusin hindi lamang sa pagkain kundi pati na rin sa pag-aaral ng mga bata. Dahil din sa kakulangan ng sapat na pagkain at mga bitamina, madalas magkasakit ang mga bata. Wala kaming Philhealth kaya hindi namin sila agad naidadala sa duktor.

 

Sa pag-aaral naman, nahihirapan si Krystal Mae hindi lamang dahil sa delay para siya ay matuto kundi dahil na rin sa kulang ang kanyang kagamitan. Nagtitiyaga lamang siya sa mga unipormeng napaglumaan ng mga kamag-anak o mga kaibigan. May ugali din siyang namamasyal kung saan saan at minsang nakaligtaan siyang matunton sa paaralan ay natagpuan siya ng isang kapitbahay na naglalakad sa tabing kalsada. Mabuti na lamang at nakilala nila ang anak ko kaya naman naiuwi siya kaagad.

 

Ang unang bahay na aming tinirhan ay naipatayo sa gitna ng isang bukid, may kaunting kalayuan sa ibang kabahayan. Sa panahon ng tag-ulan, madalas itong inaabutan ng tubig. Hindi ko makalimutan ang isang gabi na nagising ang buong kamag-anakan nang maramdaman naming umabot na pala sa higaan namin ang pag-apaw ng tubig. Nagdulot ng takot sa aming mag-anak ang tumawid sa bukid sa dilim ng gabi, umuulan, at wala man lang mabitbit na gamit kundi aming mga sarili.

 

Unti-unting nagbago ang aming buhay buhat ng mapasama kami sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng Department of Social Welfare and Development. Una sa lahat, hindi kami nag-alinlangan sa gastusin ng pag-aaral ng mga bata sa tulong ng Educational Grant. Sa pangkalusugan naman, dahil sa mga Family Development Sessions, natutunan ko ang kahalagahan ng tungkulin ko bilang ina sa pangangalaga sa kalusugan ng aking mga anak. Sa katunayan, isa na akong volunteer na Child Development Worker sa kagustuhan ko ring maibahagi ang aking mga nalalaman sa kapwa kong benepisyaryo ng programa.

 

Maliban doon naging mas malusog na ang mga bata, kapag nagkakasakit sila, madali na sila maipa-check up sa pagamutan dahil sa Philhealth. Ganado din silang pumasok sa paaralan at hindi na nagkukulang sa gamit pang-eskwela.

 

Sa kabila ng pagiging special child ng aming panganay, naging aktibo naman siya sa mga gawain sa paaralan. Naturingan siyang Ms. SPED CSEN ng taong 2015 at 2016, at Lady of the Night sa Masquerade sa sumunod na taon. Napabilang din siya sa GABAYAN 2016, isang programang 10-day Summer Camp for Children with Special Needs.

 

Hindi naman nagpahuli ang aming kambal sapagkat aktibo din sila sa kani-kanilang paaralan. Sa murang edad na 7-taong gulang, napasama sila sa Sining Pandayan Arts and Crafts Workshop at Super Kid and Commander Safeguard School Caravan 2016. Dahil sa pagpapakitang-gilas nila sa mga gawain, sila ay humakot ng mga parangal tulad ng “Great Giver Award,” “Sunshine Award,” “Most Helpful,” at “Best in Arts.”

 

Sa akin naman, maipagmamalaki ko ang mga pagbabago sa akin mula nang maging isa akong parent leader. Dati rati ay sa bahay lamang ako, hindi nakikisalamuha sa mga tao buhat na rin sa kalagayan ng aming panganay, ngunit nang mapabilang ako bilang isang PL, nabigyan ako ng iba’t ibang training na siyang nagpalakas ng aking loob upang humarap at makisalamuha sa mga tao. Sa katunayan, napili pa akong mamuno ng Diffun Parent Leader’s Association. Hindi lamang sa Pantawid nagtapos ang pagsisilbi ko, sa kasalukuyan, miyembro ako ng Municipal Peace and Order Council, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council, P.I.O. ng Diffun Child Development Welfare Federation at RIC Treasurer.

 

Ang aking asawa naman ay sumailalim sa Skills Training ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa tulong ng Sustainable Livelihood Program ng DSWD bilang isang welder. Sa ngayon, siya ay nasa Subic, Pampanga, nakapasok sa isang permanenteng trabaho.

 

Ang naging hamon namin sa aming sarili ay ang makapag-bukod at makapag-patayo ng sarili naming tahanan. Sa umaga ay pumapasok akong Child Development Worker sa Daycare center at nagbebenta ng mga produkto galing sa Avon, samantalang ang asawa ko ang nag-aalaga sa mga bata. Sa hapon naman, ako ang nasa bahay samantalang siya naman ang naghahanap-buhay bilang isang laborer sa pag-alaga at pag ani ng iba’t ibang pananim. Hindi kami tumigil doon, sa bawat ma-ipon namin ay sinisimulan namin ang pagbuo n gaming bahay.

 

Sariwa pa ang ala-ala ng paglikas namin sa baha sa isip ng mga bata, ang isa sa kambal ay madalas umiyak kapag umuulan at nangangamba na baka pasukin ng umapaw na ilog ang tinitirhan namin kaya lalo kaming nagpursigeng mag-asawa para maisakatuparan ang pangarap naming magka-bahay. Nag-alaga ako ng baboy, ang puhunan mula sa mga naipon kong allowance bilang Daycare worker at Avon, naging posible ito dahil nanggagaling naman sa cash grant and lahat ng gastusin sa pag-aaral ng mga bata.

 

Nagsimula lang kami sa maliit na istraktura, mga hollowblocks at simpleng bubong, ang bintana naman ng bahay namin ay natatakpan lamang ng plastik kaya nababasa pa rin ang mga gamit namin sa loob. Ngunit naging desidido kaming mag-asawa, ang perang ipinapadala niya ay maayos kong ibina-badyet, naglalaan para sa bahay namin. Nitong 2017, naibenta ko ang aking mga baboy, ang kita namin ay ginamit ko sa pagpapakumpleto ng istraktura ng aming bahay. Hindi lamang ang mga bintana ang naipa-ayos ko, pati na rin ang aming kusina, naipasemento na rin.

 

Sa ngayon, bago kong proyekto naman ang pagpapaganda ng aming bakuran na maliban sa pagtatanim ng mga bulaklak ay nagtatanin din kami ng mga gulay at mga halamang gamot. Bilang isang Huwarang Pantawid Pamilya ng probinsiya ng Quirino, nais kong ito ang maging kontribusyon ko sa komunidad, ang maging ehemplo sa iba pang kapwa ko benepisyaryo ng programa at ang maisulong ko din ang karapatan at kakayahan ng mga kababaihan sa pagpapalago ng kanilang pamilya, hindi lamang ang umasa sa kakayahan ng kanilang kabiyak.

 

Masasabi kong hindi pa namin naaabot ang lahat ng aming pinangarap para sa aming pamilya, higit sa aming mga anak ngunit alam kong darating din ang araw na iyon sapagkat kaya naming pagtagumpayan ang mga hamon sa buhay!

 

###Kwento ng MAT Diffun, Quirino