Ako po si Madelyn Cabacungan Mamauag, 46 taong gulang, mula sa bayan ng Piat, Cagayan. Namulat sa isang mahirap na pamumuhay sapagkat pakikisaka lamang ang hanapbuhay ng aking mga magulang.
Sa kabila ng hirap ng buhay namin napagtapos pa rin ako ng aking mga magulang sa dalawang taong secretarial course ng Cagayan Colleges – Tuguegarao. Ito ang nagbigay daan upang ako ay makapasok bilang checker sa Cagayan Sugar Milling Corporation sa Piat, Cagayan at kinalaunan bilang isang cashier sa Lidia’s Butong Pakwan sa lungsod ng Maynila. Ang aking pinagkakakitaan ay ibinibigay ko sa aking mga magulang bilang pagbalik-tulong sa lahat ng kanilang paghihirap upang maitaguyod kaming magkapatid.
Noong ako’y dalawampu’t isang taong gulang (21), noong taong 1993, napadpad ako sa siyudad ng Cauayan upang magtrabaho bilang isang secretarya sa JD Enterprises. Tumutuloy ako noon sa aking tiyuhin at doon ay nakilala ko si Jose na dalawampung taong gulang (20) noon at isang magsasaka. Naging magkaibigan kami ng ilang buwan hanggang sa nagtapat siya ng pag-ibig sa akin at nagkaroon kami ng relasyon na higit sa pagkakaibigan.
Kami ay ikinasal noong isa-18 ng Setyembre taong 1995 sa simbahang Katoliko ng Our Lady of Piat, Cagayan. Biniyayaan kami ng Poong Maylikha ng apat na anak. Sa hirap ng buhay noon, kami ay nakitira lamang sa magulang ng asawa ko sa Duminit, Cauayan sapagkat wala pa kami noong sapat na pera na pampatayo ng sarili naming bahay. Nagsumikap kaming magtrabaho ng aking asawa, ako ay nagsimulang mag-buy and sell ng mga gulay sa palengke samantalang ipinagpatuloy naman ng aking asawa ang kanyang trabaho sa bukid. Ang aming ipon ay pinambili namin ng tatlong baboy na inalagaan at ibenebenta namin ang mga biik pag sila’y nanganganak para pandagdag sa aming pagkakakitaan.
Taong 1997 nang pinahiraman kami ng lupa ng aking biyanan. Gamit ang aming kaunting naipon, nagpatayo kami ng sariling bahay gawa sa kawayan at iba pang magaang materyales, bumili kami ng sampung (10) yero para sa aming bubong at ng ilang hollow blocks na ipinatong namin sa aming bubong para hindi matangay ng hangin. Maliit lamang ang aming bahay, walang magarang kagamitan, walang kuryente, gasera lamang ang nagsisilbing ilaw namin, walang kwarto at naglagay lamang kami ng kurtina pang dibisyon sa kusina at pinagtutulugan namin. Wala rin kaming sariling kubeta, nakiki-gamit sa kami sa aking biyanan at nakiki-igib pa kami ng tubig sa kanila.
Taong 200 nagsimulang pumasok ang aming kambal na anak na sina Jocelyn at Jodelyn sa isang pampublikong paaralan ng Cauayan City. Naramdaman naming mag-asawa ang biglaang pagbigat ng gastusin sapagkat madalas ay may bayarin sa paaralan at nadodoble pa ito dahil sa kambal. Pagkaraan ng tatlong taon, sumunod pa dito ang bunsong si Joshua. Mas lalo pa naming pinag-igihan ang paghahanap ng pangkabuhayan.
Mas lalo naming naramdaman ang hirap ng buhay ng mga oras na iyon sapagkat pilit naming pinagkakasya ang kita naming mag-asawa para matustusan ang mga tuition fees at iba pang bayarin nina kambal sa eskwelahan. Pagkatapos ng tatlong taon ay pinag aral na rin namin si Joshua at sumunod pa don ang bunsong si Jodell kahit alam naming mag-asawa na mas mahihirapan na naman kami sa mga bayarin nila sa school. Ngunit ganoon pa man, ay mas nagsumikap at doble kayod kaming mag-asawa, naniniwalang tanging edukasyon lamang ang maipapamana namin sa aming mga anak.
Naisipan ng aking asawa na umekstra sa pagbubuhat ng mais kapag walang patrabaho sa bukid, samantalang ako, sa mga araw na wala kaming mapagkukunan ng pang-araw araw na gastusin, nagagawa kong mangutang sa Bumbay sa pamamagitan ng 5-6. Lingid sa aking kaalaman na ang akala kong higit na nakakatulong sa amin ang siya pa lang nagbabaon sa amin sa kahirapan sapagkat napupunta sa interes ang kakarampot na kinikita namin sa araw araw.
Taong 2009, may mga nagpuntang nag-interview at nag-validate sa aming bahay na kinalaunan ay pinagsumite kami ng mga requirements na nagpapatunay na kami ay nabibilang sa mahirap na pamilya at may pinag-aaral kaming mga anak. Dalawang taon ang lumipas, napasali kami sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Nasa 3rd year high school na noon sila kambal, 1st year high school naman si Joshua at Kinder noon si Jodell. Dahil sa malaking tulong ng programa, unti-unti ko ng itinigil ang pangungutang sa Bumbay. Natutugunan ng mga cash grants ang pangangailangan ng aming mga anak sa paaralan at ang kaunting kinikita namin ay ginagamit sa iba pang pangangailangan ng pamilya.
Nagpapasalamat kami sa Diyos at nabiyayaan din kami ng mga masisipag na mga anak. Ang kambal ay nanatiling may nakukuhang mataas na karangalan hanggang nagtapos ng Valedictorian si Jocelyn at Salutatorian naman si Jodelyn. Ang kanilang nakababatang mga kapatid ay pursigido ding makakuha ng matataas na marka.
Noong sila ay nagkolehiyo, naghiwalay ang kambal ng paaralan sapagkat magka-iba na ang kursong kinuha nila. Si Jocelyn ay nag-aral sa Isabela State Universitysa pamamagitan ng scholarship mula sa tanggapan ng Mayor sa kursong Bachelor of Science in Business Administration major in Financial Management. Si Jodelyn naman ay kumuha ng Bachelor of Science in Accountancy sa Our Lady of Pillar ngunit lumipat siya sa kursong Bachelor of Science in Accounting Technology. Sabay silang nagtapos taong 2016 at nagsimulang magtrabaho upang matulungan kaming mapa-aral ang kanilang nakababatang kapatid.
Sa ngayon, si Jodelyn ay nagtatrabaho sa Puregold, Cauayan at malaki ang kontribusyon sa pang-araw araw na pagkain at pangangailangan ng pamilya. Si Jocelyn naman ay nagtatrabaho sa isang Law Firm at malaki ang naitulong upang maipaayos ang aming tahanan.
Sobrang laki ng tulong na ibinigay ng Pantawid sa aming Pamilya. Lubos ang aming pasasalamat sa mga taong nagpapatupad at bumubuo nito. Hanggang ngayon ay nakakatanggap pa rin kami ng cash grants na siyang ginagamit naming pantustos sa pag-aaral ni Jodell na isang Grade-8 na ngayon bilang isa sa napasama sa science section sa Cauayan National High School-Main at sa pagpapatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo ni Joshua. Tulad ng kanilang mga ate, masisipag din silang mag-aral, laging matataas ang marka at tiwala kaming mag-asawa na balang araw makakapagtapos rin sila sa pag-aaral at makakamit nila ang kanilang mga pangarap.
Masalimuot man ang aming naging simula, masasabi kong hindi ito naging dahilan upang tumigil kaming mapa-angat ang antas ng aming pamumuhay at patuloy ang aming pamilya sa pangangarap sa mas maliwanag na bukas.
###Kwento ni Iris Angela Deza