Isang takot, isang hirap, isang nanaginip, isang nangarap, isang nagsikap, isang nagtiwala, isang nanalig, isang nagtatagumpay at isang patuloy na nakikibaka, umaasa at nangangarap.

 

Ako ay si Rogelyn Culo Soriano na namulat at nagsimulang mangarap sa Brgy. Rogus, lungsod ng Cauayan, Isabela. Pinalaki sa pagmamahal at pananalig sa Diyos ng aking mga magulang na sina Ginoong Rogel at Ginang Teresita Soriano kasama ang dalawa kong kapatid na sina Roldan at Rosalyn. Ang aming pamilya ay isa sa mga libu-libong benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

 

Napakapayak ng aming pamumuhay, bata pa lamang ako ay namulat na ako sa katotohanang hindi kayang bilhin ng aking mga magulang ang lahat ng aking maibigan. Katulad ng ibang bata, naitanim sa aking isipan ang inggit at pagtatanong kung bakit may mga kakapusan sa aming buhay, kung bakit hindi namin naipapagamot kaagad ang aming maysakit, kung bakit kinakailangan pang mangutang ng aking mga magulang, kung bakit kailangan naming lumikas sa aming tirahan tuwing may sakuna at marami pang iba. Mga tanong na gusto kong masagutan kaya naman ako’y nagsimulang mangarap.

 

Isang trabahador sa bukid ang aking ama, ang ina ko nama’y naglalako ng mga gulay mula sa mga pananim ng aking ama. Sa pagbubukid ng aking ama at pagbebenta ng aking ina nanggagaling ang panggastos namin sa araw araw. Napagkakasya namin ngunit hindi ito sapat pagdating ng mga sakuna o pagkakasakit. Mabuti na lamang at napabilang ang aking pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program, ang mga pagkakagastusan ng pamilya namin sa pag-aaral ay nasasagot sa pamamagitan ng mga cash grants. Para naman sa akin, hindi sapat na umasa lamang kami sa tulong ng gobyerno kaya naman natuto akong makipag-tanim at maki-ani para sa dagdag na kita. Ginagawa ko ito tuwing Sabado at mga araw na wala kaming pasok. Sa mga araw ng pagsusulit, dinadala ko pa ang aking mga aralin sa bukid at doon ako nag-aaral.

 

Dala ang pangaral at turo ng magulang sa akin, nagsimula akong mag-aral sa Mababang Paaralan ng Barangay Rogus. Nakaukit sa aking isipan ang mag-aral ng mabuti upang malayo ang mararating. Nasisiyahan ako tuwing natatapos ko ang bawat baitang na may karangalan at medalya. Hudyat ito ng paglapit ko sa aking mga pangarap. Buhat dito, lalo ko pang pinalawak ang aking pag-iisip sa pamamagitan ng pagsali sa iba’t-ibang patimpalak sa labas ng aming paaralan. Kung dati ay napakamahiyain at iyakin ko, kalaunan ay unti unti ko itong napagtagumpayan. Natapos ko ang elementarya bilang Valedictorian.

 

Panibagong hamon para sa akin ang pagpasok ko ng sekondarya sa Villa Concepcion High School-Main. Mga panibagong pakikibaka, paghihirap, kompetisyon, at karanasan ang aking nasumpungan. Lalo ding naging mas mabigat ang responsibilidad na pinasan ko para sa aking pamilya ngunit ito naman ay sa tulong ng gabay at pagmamahal ng aking mga magulang.

 

Agiskwela ka nga nalaeng anak, bay-am pay lang dagita gaygayyem dita ta haan nga maudi dagita.” (Mag-aral kang mabuti anak, hayaan mo muna ang pakikipag-barkada, darating din ng kusa ang pakikipag-kaibigan) Iyan ang laging paalala ng aking ina sa tuwing makikita niya akong nakatanaw sa mga kabataang namamasyal at nagsasama-sama. Gayunpaman, nagawa kong sumaway ng minsan at pumasok sa maagang relasyon, ngunit hindi nagtagal at ito rin ay kusa kong pinutol, napagtanto kong mas higit ko dapat pinagtutuunan ng oras at panahon ang aking pag-aaral at para sa aking ikabubuti ang mga bilin ng aking mga magulang.

 

Isa akong mag-aaral sa sekondarya na hindi pa lubos na nahuhubog ang tiwala sa sarili. Madalas ako ay inaanyayahan sa mga Quiz Bee at iba pang mga patimpalak. Maraming beses ay ginaganap ito sa malalayong lugar na kinakailangan ko pang pansamantalang tumira sa mga paaralan. Dumating ang panahon na ang mga takot at kaba ay unti-unti kong napagtagumpayan. Hanggang sa mga huling buwan ko sa sekondarya ay naging mas napalakas ko ang tiwala sa aking kakayahan na kaya kong makipagsabayan sa iba pang estudyante kung ang ating pagbabasehan ay ang galing at husay.  Pagkatapos ng apat na taon ay nagtapos akong Salutatorian.

 

Panibagong hamon muli ang pagpasok ko sa kolehiyo. Hindi lingid sa aking kaalaman na hindi na makakaya ng aking mga magulang ang ako ay suportahan sa kursong nais kong makuha. Kung ang ibang estudyante ay abala sa paghahanda sa mga entrance at acceptance exam, ako naman ay abalang naghahanap ng paraan upang magkaroon ng isponsor sa aking pag-aaral. Hindi ako naging bigo at napili akong tumanggap  ng Educational Assistance Program ng National Commission on Indigenous People (NCIP) at nangako rin ang aking tiyo at tiya na ako ay tulungan sa aking pag-aaral.

 

Sa kawalan ng kaalaman tungkol sa pagpasok sa kolehiyo, nahuli ako at hindi nakapasok sa PNU na siyang paaralang may kursong pagkadalubhasa sa Araling Panlipunan na siyang gusto kong matapos. Napagpasyahan ko na lamang na magtuloy sa Pamantasang Estado ng Isabela-Echague at nagpasyang Filipino ang pagpapakadalubhasaan.

 

Sa pag-aaral, ako ay nagsikap at naging masinop. Nagigising ako ng maaga upang maghanda ng makakain sa umaga at baon sa tanghali. Natuto akong maglakad mula sa tinutuluyan hanggang sa paaralan upang makatipid sa pamasahe. Kasabay ng hirap na ito, nagsikap akong intindihin ang aking mga aralin, hindi ko maaaring pabayaan ang aking pag-aaral. Bumabangon ng alas dos ng umaga upang mag-aral, hindi lumiliban sa klase kahit masama ang pakiramdam, inuuna ang mga proyekto at gawaing paaralan kaysa ang makipag-kaibigan.

 

Nasa ikatlong taon ako ng kolehiyo nang mangyari ang di-inaasahan. Agosto noon at abala ako sa paghahanda para sa Buwan ng Wika bilang pangulo ng aming grupo, nalalapit din noon ang pagsusulit at pasahan ng mga proyekto nang bigla akong makatatanggap ng tawag na dinala sa ospital ang aking ina. Hindi ko alam ang aking gagawin sa mga pagkakataong iyon, napakarami ng aking responsibilidad sa paaralan at hindi ko maaaring biglang bitawan, ngunit naroroon din ang bugso ng damdamin ng isang anak sa pagmamahal sa kanyang ina.

 

Pagkatapos ng aking mga gawain sa paaralan, agad akong nagtungo sa ospita upang hanapin ang aking ina. Tanging dala ko ay apat na raang piso, naipon ko sa isang linggo. Halos maluha ako sa itsura ng aking ina, sa isang sulok sa ward ng ospital, walang laman ang mga bulsa, ni hindi pa kumakain sa araw na iyon. Mabuti na lamang at dahil miyembro kami ng Pantawid ay naging libre ang kanyang pagkaka-ospital. Ang takot at karanasan ng aming pamilya na iyon ang lalong nagpatibay ng aking determinasyon upang pagbutihin ang pag-aaral. Nais kong i-ahon ang aking pamilya sa hirap. Nais kong maibigay ang kaginhawaan sa kanila. Hindi naglaon ay nagtapos ako sa kolehiyo bilang isang Cum Laude.

 

Sa mga nakaraang buwan, muli akong nagsunog ng kilay at nagsumikap upang makapasa sa Licensure Examination for Teachers. Nagbigay pag-asa sa akin ang tiwala ng aking mga magulang at mga kapatid. Malaking karangalan sa akin ang makita ang aking pangalan sa isa sa mga pumasa at lisensiyado nang mga guro.

 

Sa kasalukuyan, isa na ako sa mga nagbibigay ilaw dito sa Villa Concepcion High School-Rogus Extension bilang Local School Board teacher. Patuloy na umaasa at nakikibaka para sa permanenteng posisyon. Sa lahat ng aking pinagdaanan, masasabi kong hindi ako matalino o magaling para mapagtagumpayan ang lahat ng ito, isa lamang ako sa mga taong nagsikap at umasa  sa tulong ng ating Panginoon . Hindi pa rito nagtatapos ang aking mga pangarap, marami pa akong gustong gawin at patunayan, marami pa akong utang na dapat suklian. At katulad ng lagi kong sinasabi sa aking sarili noon pa man at siya ring sasabihin ko para sa lahat, “Para sa mga taong may pangarap, kinakailangan kalimutan ang pag-aalinlangan at pangamba. Kailangan ang magpursige, magtiyaga, at lumaban sa mga hamon sa buhay.”

 

### Kwento Ni Joanne Guirpo