Panahon man ay lumipas, ang mga alaala ng nagdaan ay mananatiling malinaw. Hindi hadlang ang kahirapan sa pagkamit ng tagumpay. Ang mga katagang ito ay tunay sa bawat Pilipinong naghihikahos at nag-aasam ng pagbabago’t tagumpay sa pamamagitan ng edukasyon.

 

Batid kong ang bawat isa ay may kaniya-kaniyang kuwento. Ito ang aking kuwento.

 

Ako si Maria Jessica O. Villantes ng Cabarroguis, Quirino at pangalawa sa pitong magkakapatid. Musmos pa lamang nang mamulat sa katotohanang hindi marangya ang aming estado sa buhay. Ang aking ama ay isang construction worker at ang aking ina ay masigasig na nag-aalaga sa amin sa aming tahanan.

 

Sa kabila ng kahirapan pilit kaming pag-aralin ng aming mga magulang. Napakasipag ng aking ama, sapagkat kahit hindi permanente ang napapasukan, hindi niya pinabayaan ang kalidad ng kanyang pagtatrabaho. Madalas, kapag wala pang bagong kontrata, pumapasok siya bilang ekstra sa kung anu anong arawang trabaho upang maitawid ang aming mga pangangailangan.

 

Sa aking murang edad ay nasaksihan at naramdaman ko ang patuloy na paghihirap ng aking mga magulang. Tandang-tanda ko pa na nakikilaba ang aking ina para sa aming pang-araw-araw kapag malayo ang ang aming ama. Sariwa pa rin ang mga ala-alang laging wala si inay sa bahay dahil lagi siyang pumipila sa Kapitolyo upang makahingi ng kaunting tulong. Sa mga panahong iyon, buhat-buhat ako ng aking ina, sama-sama sa pila, nakikipagsiksikan sa maraming tao, makahingi lamang ng gamot dahil sa ako’y sakitin. Sa edad na pito, ang mga oras na naglalaro ang mga  ka-edad ko ay natuto akong maglilinis ng bakuran ng ibang bahay, mag-igib ng tubig para sa ibang tao, magbebenta ng santol o pastilyas sa mga kaklase o kakilala para sa sampu hanggang dalawampung pisong pambaon naming magkakapatid sa pagpasok. Naririnig ko ang puna ng ibang tao, sapagkat napakarami naming magkakapatid na siyang dahilan ng paghirap ng aming buhay, o ang pagiging mailap ng magandang mapapasukan ng aking ama. Sa paaralan, nahuhuli kami palagi sapagkat madalas ay wala kaming pambayad o kontribusyon sa mga proyekto, minsan ay hindi pa napapayagang makadalo sa gawain ng paaralan at mga pagsusulit.

 

Gayunpaman, kumuha ako ng inspirasyon sa aking mga magulang. Sa kanilang sipag at pananatiling positibo, hindi ako nangambang mangarap na balang araw ay makakapagtapos ako ng pag-aaral at maibabalik ko sa kanila ng maraming beses ang pagmamahal na ipinamalas sa akin

 

Noong ako ay nasa ikatlong baitang ng sekundarya, ako ay pinag-aral ng isa sa aming kamag-anak. Siya ang nagbayad sa aking miscellaneous fee at nagbigay ng dalawandaang piso kada linggo pambaon kapalit ng pagsisilbi ko sa kanilang tahanan araw-araw. Naging ganito ang aming kasunduan hanggang sa ako’y nagtapos ng sekundarya ng may mataas na karangalang ipinagmalaki ng aking pamilya at ng pamilyang tumulong sa akin.

 

Panibagong pagsubok ang pagtungtong ko sa kolehiyo. Naging masigasig ang aking ina upang makahanap kami ng iskolarship mula sa iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno. Araw araw ay nagpursige ang aking ina at naghintay sa mga mahabang pila upang magkaroon ng pagkakataon na makapagsumite kami ng mga aplikasyon subalit kami ay nabigo. Gayunpaman, kahit may pag-aalinlangan ay sinubukan kong magpatala sa unibersidad ng aming probinsya. Natanggap ako sa Nueva Vizcaya State University (NVSU) at dahil dito, lalo pang nagpursige ang aking ina upang mahanapan ako ng iskolarship. Sa pagkakataong ito, naipabalita sa amin ng Municipal Link na ako ay napabilang sa Expanded Students Grants-In-Aid Program for Poverty Alleviation o ESGP-PA. Ito na ang nagbigay sa akin ng panibagong pag-asa upang makamit ko ang aking mga pangarap.

 

Buwan ng Hunyo taong 2014, nagsimula ang buhay ko bilang grantee ng ESGP-PA sa NVSU, Kampus ng Bayombong. Sa unang taon ko sa kolehiyo ay nahirapan ako sapagkat unang pagkakataon ko na mapalayo sa aking mga magulang. Araw araw ay hinanap ko ang makapiling ang aking mga magulang. Nangyayaring hindi agad naibibigay ang tulong na galing sa programa kaya naman naghigpit pa rin kami ng sinturon. Paminsan-minsan ay nangungutang pa ang aking ina sa kung sinu-sino para lamang may maipadala para sa pag-aaral ko. Sa mga panahong iyon, naramdaman ko ang panlulumo sa kahirapan namin. Ginamit ko ito upang hindi ako sumuko sa aking pag-aaral.

 

Sa halos apat na taong pananatili ko dito sa probinsiya ng Nueva Vizcaya at pagiging grantee, maraming nagbago sa akin. Una, naipaintindi ko sa aking sarili na ang aming natatanggap mula sa gobyerno ay tulong at hindi dapat maging sanhi para kami ay habambuhay na umasa rito. Marami akong nakilala na nagpabaya at nagsasabing kinukulang pa rin ang tinatanggap na tulong sapagkat hindi nila naintindihan na ang layunin lamang ng programa ay ang bigyan ng oportunidad ang mahihirap upang makapagtapos sa pag-aaral. Ang determinasyong magpatuloy at maghanap ng paraan sa mga pagkukulang ay nakasalalay sa sarili.

 

Pangalawa, ang oportunidad ay hindi lamang sa salapi, kundi sa mga karanasang ibinigay ng programa sa pamamagitan ng mga pagsasanay at mga patimpalak upang mabigyan ng boses ang mga kabataang tulad ko at makapaghikayat ng mga kaibigan at kakilala sa adbokasiya ng edukasyon para sa lahat. Marahil ang kakayahang maging aktibo at mabuo ang tiwala sa sarili ang ilan sa mga magandang naging bunga ng programang ito.

 

At pangatlo, at habambuhay kong babaunin sa buhay ko ay iyong kakayahang makasalamuha sa iba at makabuo ng isang matibay at magandang samahan. Ito ay patungkol sa relasyon ng isa sa kapwa estudyante at ng estudyante sa kaniyang mga guro. Sa mga pagtitipong hindi ko na mabilang, sa bawat pagpaplano, pagkikita, pakikipagbiruan ay nakabuo ng isang magandang pagkakaibigan. Hindi ko kailanman malilimutan ang mga kapwa ko grantee sa aming pamantasan ganoon din sa kampus ng Bambang, lalong-lalong hindi ko malilimutan ang mga gurong naghatid at nagturo sa amin ng mga kaalaman at mga gurong nakasama namin sa buong programang ito. Ang ilan ay nagsilbing aming scholarship coordinator at mga naging katuwang mula simula hanggang sa aming pagtatapos. Hindi lamang nagsilbing guro na gumabay kundi nagsilbi ring kaibigan na aming natakbuhan at nakisabay sa aming mga halakhakan.

 

Pangarap kong maging isang batikan na guro ng Filipino at ng iba pang lengwahe. Nais kong makapagpatayo ng isang paaralan para sa mga nais magpakadalubhasa sa Wikang Filipino.

Sa aking  pagtatapos ng aking sanaysay, mayroon akong isang nais ibahagi at linawin. Mahirap mang simulan ang isang bagay, kailangan pa ring magpatuloy hanggang sa matapos. Binigyan tayo ng pantay-pantay na karapatan na makapag-aral kung kaya’t wala kang karapatan na matulog kung hindi ka nag-aaral. Hindi masamang magpursige nang sa ganoon ay may magandang bunga ang tulong na iginawad. Hindi masamang galingan sa mga asignatura, at lalong hindi masama ang mangarap ng matataas na marka at magawaran ng karangalan. Hindi lamang talino at utak ang ginamit upang makamit ang mga ito. Kinakailangan ang determinasyon, kasipagan, pagtitiwala sa sariling kakayahan, suporta ng mga mahal sa buhay at mga kaibigan at pananalig sa Diyos.

Ang mga natutunan, nakilala at karanasan ko ay patuloy na aalalahanin at bibitbitin ko sa susunod pang mga kabanata ng aking buhay.