Gonzaga, Cagayan – Ngiti ang namutawi sa mga labi ng mga batang tumira sa Gonzaga People’s Gym, Gonzaga, Cagayan na nagsilbing evacuation center sa lugar noong nanalasa ang Bagyong Rosita.
Lunes ng gabi ng magsimulang magparamdam ang Bagyong Rosita dahilan para ilikas ng Local Government Unit (LGU) katuwang ang Municipal Action Team (MAT) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakatalaga sa lugar ang mga residente ng Barangay Caroan, Barangay Cabanbanan Norte, Barangay Minanga at Barangay Pateng dahil na rin sa banta ng malakas na hangin na maaaring magdulot ng mataas na daluyong ng tubig.
Aktibo ring tumulong ang MAT Gonzaga sa pangangasiwa ng pamamahagi ng mga pagkain para sa mga apektadong pamilya sa evacuation center.
Dagdag pa rito, naglagay din ng telebisyon upang maaliw ang mga tao.
Hindi naman alintana ng mga bata ang bagyo na nananalasa dahil napanatiling protektado ang evacuation center.
“Sa anumang oras, ang DSWD staff ay handa, maagap at maaasahan upang malagpasan ang anumang sakuna sa pamamagitan ng sama-samang pagbibigay ng serbisyo at kalinga na siyang nagpapakita ng tunay na pagmamalasakit at pagmamahal sa kapwa,” pahayag ni Karen Kaye Macapulay, Municipal Link ng MAT sa lugar.
Patuloy pa rin ang ginagawang pagbabantay ng MAT Gonzaga para sa mga naapektuhan ng Bagyong Rosita.
Base sa huling datos ng DSWD, 4,213 na pamilya na may 14,169 na indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong Rosita sa probinsya ng Cagayan. ### By: Margaret G. Arao, Listahanan Information Officer