Ako si Jhade Aubrey Leprozo, labindalawang taong gulang, tubong Aritao Nueva Vizcaya, panganay na anak kay Alfredo at Cherry Ann Leprozo. Ako ang exemplary child ng Lambak ng Cagayan, ito ang aking kwento.

 

Labin-pitong taong gulang pa lamang ang aking ina nang ipakilala siya sa aking ama na noo’y dalawamput-pitong taong gulang na. Bunsod na rin ng patuloy na panunukso ng kanilang mga kaibigan, sila ay nagkapalagayan ng loob na nagbigay daan sa kanilang mabilis na pagpapakasal. Pinili nila ang tumuloy sa tirahan ng mga magulang ng aking ina dito sa Aritao hanggang sa ako ay maisilang.

 

Parehong hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang aking mga magulang kaya naman hindi sila pinalad ng magandang hanapbuhay. Dalawang taon pa lamang ako nang mapagdesisyunan ng aking ama na makipagsapalaran sa Baguio City bilang isang construction worker habang ang aking ina naman ang nagbuhos ng kanyang oras sa pag-alaga sa akin at ng dalawang nakababata kong kapatid.

 

Hindi naging madali para sa aming pamilya ang ganitong kalagayan lalo na’t napagdesisyunan ng aking ama na magsarili ng tirahan. Sa maliit na barung-barong ng pinagtagpi-tagping cogon at yero bilang bubong at sawali na mga dingding, pinagkakasya ng aking ina ang kakarampot na maipapadala ng aking ama. Maraming buwan ang lumilipas bago siya umuwi kaya naman madalas ay kami lamang magkakapatid kasama ang aming ina ang naiiwan sa bahay.

 

Sa mga panahon ng sakuna tulad ng malalakas na ulan at bagyo, kami ay lumilikas sa tirahan at nakikituloy sa kamag-anak sapagkat hindi kami makasisiguro sa kaligtasan ng aming tahanan. Minsan ay natanggal  ang bubong ng aming bahay dahil sa bagyo at nakita ko ang lungkot sa mga mata ng aking mga magulang sapagkat hindi sapat ang kanilang ipon upang maipa-ayos ito. Dito nagsimula ang aking kamalayan sa hirap ng aming buhay at kagustuhan kong balang araw ay maipagpatayo ng bahay ang aking  mga magulang.

 

Taong 2012 nang kami ay mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program, kasabay ng aking pagpasok sa Kindergarten. Malaki ang naiambag ng mga cash grants sapagkat mas regular itong natatanggap ng aking mga magulang kaysa sa hanapbuhay ng aking ama na kung minsan ay umaabot ng ilang buwan bago dumating. Ang aking ina naman na madalas ay mahiyain dahil sa paglagi sa bahay ay natutong makisalamuha sa kapwa mga magulang sa maka-ilang pagdalo niya sa mga Family Development Sessions (FDS).

 

Sa akin naman, nagustuhan ko ang pag-aaral at pagdiskubre ng bagong kaalaman. Ipinakita ko sa murang edad ang kagalingan ko sa pagbasa kaya naman ako’y nakapagtapos ng Kinder bilang 3rd Honor at Best in Reading. Sa aking pag-akyat sa entablado, ang aking ina ang tumanggap at nagsuot ng tinamo kong karangalan at noon ay ninais kong sana ay naroroon din ang aking ama. Nagpursige ako na manatiling isang honor student upang mabigyan ng maraming pagkakataon ang aking ama na dumalo at magsabit sa akin ng medalya.

 

Nakuha ko ang 2nd Honor sa pangalawang baitang kasabay ng Best in Writing samantalang 2nd Honor muli at Best in Mathematics sa pangatlong baitang. Ramdam ko ang galak at pagmamalaki ng aking mga magulang nang sabitan ako ng medalya ngunit sa akin ay hindi naging buo ang kaligayahan ko sapagkat inasam ko ang pinakamataas na parangal. Marahil, sa tingin ng ibang magulang at guro na ang isang pamilyang benepisyaryo ng Pantawid ay hindi umaasam ng higit na karangalan at gusto kong mapalitan iyon. Naging buo ang aking loob na makamit ang pinakamataas na karangalan para sa aking pamilya maging ang ipakita sa publiko na payak man ang aming simula ay may kakayahan rin kami na baguhin ang aming buhay.

Ang aking pagsusumikap ay nasuklihan nang masungkit ko rin ang 1st Honor sa ikaapat na baitang kasabay ang Christianity Award na aking nakuha dahil sa pagbasa ng ilang talata mula sa bibliya at pagtulong sa iba’t-ibang gawain ng simbahan. 1st Honor pa rin ako sa ika-limang baitang at humakot na rin ng parangal katulad ng Most Responsible at Most Outstanding. Lahat ng ito ay aking natamo dahil sa patuloy na pagpapatnubay ng aking ina at pagturo niya sa akin ng pagiging responsableng panganay sa nakababata kong mga kapatid.

Sa aking pagtatapos sa mababang paaralan, nakamit ko ang karangalan bilang Valedictorian kasabay ng iba pang mga parangal katulad ng Science Award, Special Award on Athletics, Leadership Award at Mathematics Award. Bukod pa ito sa iba pang karangalang natanggap ko sa pagsali sa iba’t-bang patimpalak katulad ng Chess Competition, Street Dancing, District Math Festival at marami pang iba.

 

Hindi ko lamang itinuon ang aking panahon sa mga gawaing pang-akademiko. Ipinamalas ko rin ang malalim na pananalig ko sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsisilbi sa simbahang katoliko. Bukod pa don, nanilbihan akong pangulo ng Student Government at ilan sa mga proyektong aking itinaguyod ang “Oplan Taob-Timba” bilang paghahanda at pagsugpo ng Dengue sa aming paaralan at barangay. Naging malapit din sa aking loob ang mga katulad kong kabataang tumigil sa pag-aaral at ginamit ko ang aking kakayahan bilang pangulo upang mahikayat silang magbalik sila sa paaralan o di naman kaya ay pumasok sa Alternative Learning System (ALS).

 

Naging daan ang aking pagiging Class Valedictorian upang makamit ko ang Scholarship ng Tan Yan Kee Foundation Incorporated na siyang tumutulong upang matustusan ang aking pag-aaral sa sekondarya sa Saint Teresita’s Academy, isang pribado at katolikong institusyon sa Aritao, Nueva Vizcaya.

 

Marami akong pangarap sa buhay, una, pangarap kong maging manggagamot. Nais kong mapagsilbihan ang mga mahihirap na pamilya dito sa aming bayan gayundin ang mabigyan ng magandang buhay ang aking mga magulang. Gusto ko rin ang maging isang Certified Public Accountant, dahil sa kahiligan ko sa mga hamon sa asignaturang matematiko. Malapit rin sa aking puso ang pagiging guro dahil gusto kong ibalik sa ibang batang katulad ko ang kagalingan at kahusayan na ibinahagi ng aking mga guro. Lahat ng ito ang gabay ko upang lalong mangarap at mapagtagumpayan ang iba’t-ibang hamon na ibinabato sa aming pamilya.

 

Ang iba’t-ibang karangalang aking nakakamit ay nagsisilbing inspirasyon sa akin. Nawa’y ito rin ay magsilbing patotoo sa mga nawawalan ng pag-asang makapag-aral dahil sa kahirapan, na ang pangarap ay hindi lamang para sa mga maykaya. Ang kahirapan ay hindi batayan ng kapalaran, bagkus ito lamang ang patunay ng pinagmula. Ako po si Jhade Aubrey G. Leprozo at ito ang mga munting bakas ng aking pangarap.

 

###Kwento ni Arnold Birung at Jeanet Antolin-Lozano