Tuguegarao City – Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development Office Field Office 02 (DSWD-FO2) sa dalawang magkahiwalay na panayam sa Bombo Radyo at Radyo Pilipinas ang dahilan ng pag-antala ng mga cash grants ng ilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (Pantawid Program) sa rehiyon.
Ayon kay Jeanet Antolin-Lozano, Information Officer ng Pantawid Program, ang mga tumatanggap ng kanilang cash grants sa pamamagitan ng over-the-counter (OTC) ang pangunahing apektado sa kadahilanang lahat na ng benepisyaryo ng programa ay mabibigyan na ng EMV Chip- enabled Cash Card mula sa Land Bank at kinakailangan nilang magbukas ng account sa naturang bangko.
Kasalukuyan naman ang pagsumite ng mga rekisito at balidasyon ng mga Municipal Action Team (MAT) at Land Bank upang mapabilis ang pagproseso na nagsimula pa noong Oktubre ng nakaraang taon para sa opening of accounts sa tinatayang 45,038 na kabahayang sumasailalim sa OTC payment sa buong rehiyon.
Umaabot naman sa 19,963 mula sa 58,237 Cash Card payments ang sumasailalim ng “Matching” ng Land Bank upang mailipat sa bagong EMV chip-enabled account ang kanilang lumang account kung saan kasalukuyang pumapasok ang kanilang mga grant. Samantala, may 38, 274 nang accounts for re-carding ang tumanggap ng kanilang bagong card at nailabas ang kanilang mga cash grants.
“Ang mga hindi nila nakuhang cash grants mula sa mga lumipas na pay-out ay maiipon sa kanilang account hanggang sa maaari na itong mai-withdraw ng miyembro,” paliwanag ni Mervin Mercado, Financial Management Systems Focal ng DSWD-FO2.
“Patuloy pa rin ang pakikipagtulungan natin sa Land Bank upang mapabilis ang pagpoproseso subalit dahil ito nga ay sumasakop hindi lamang sa buong rehiyon ngunit maging sa buong bansa, hindi maiiwasan na napapatagal ang pagkumpleto. Kasalukuyan naman ang pag-iskedyul ng distribusyon ng mga cash cards na tinatantiya nating matatapos sa buwan ng Pebrero.”
Matatandaang naglabas ng panukala ang Bangko Sentral ng Pilipinas na naglalayong mapalitan ang lahat ng Automated Teller Machine/Cash Card na may magnetic stripe sa EMV chip-enabled card upang mapangalagaan ang seguridad ng may-ari ng account sa kanyang impormasyon at mga transaksiyon.