Tuguegarao City – Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development Field Office 2 (DSWD-FO2) ang kampanya upang mapalawig ang kaalaman ng publiko, partikular ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (Pantawid Program), patungkol sa nalalapit na Pambansang Halalan ngayong Mayo.

 

 

Sa temang “Aktibong Mamamayan: Magbantay, Makialam, at Makilahok sa Eleksiyon”, layunin ng kampanya na mahikayat ang pagiging aktibong miyembro ng publiko upang maging responsable sa  pag-ehersisyo ng kanilang karapatang bumoto sa    pamamagitan ng malawakang diseminasyon ng impormasyon.

 

 

Ang pagpapalawig ng pag-intindi sa programa ang pangunahing iskema ng adbokasiyang ito. Sa pamamagitan ng pagpapalabas ng “Fake vs Fact sheet” na tinatalakay ang ilan sa mga maling haka-haka ng publiko, pinapabulaanan ang paniniwalang kayang maimpluwensiyahan ng kandidato o pulitiko ang estado ng isang benepisyaryo sa programa.

 

 

Ipinapaliwanag rin sa nasabing babasahin na hindi ipinagbabawal ang pagsuporta sa isang kandidato ng isang benepisyaryo o parent group subalit ang paggamit sa opisyal na gawain sa programa katulad ng Family Development Sessions (FDS) sa pangangampanya ay hindi pinapahintulutan at maaaring mapatawan ng karampatang parusa ayon sa probisyon ng Omnibus Election Code.

 

Ayon sa OIC-National Program Manager ng Pantawid Program na si Dir. Ernestina Z. Solloso, ang paghikayat sa aktibong pagkamamamayan ay magiging paksa sa mga susunod na FDS upang masiguro ang malawak na disseminasyon ng impormasyon.

 

 

Alinsunod pa rin dito, ang paksa sa aktibong pagkamamamayan ay tinalakay na rin ng Social Marketing Unit (SMU) ng rehiyon sa ilang programa sa radyo tulad ng sa Radyo Pilipinas sa Tuguegarao City at Bombo Radyo.

 

 

Matatandaang nagsimula ang kampanyang ito sa isinagawang BAED o “Bawal Ang Epal Dito” noong 2013 na kung saan naging pangunahing adbokasiya ang pagsugpo ng paggamit sa programa ng mga tatakbong kandidato sa eleksiyon. Kalaunan, ito ay napalitan ng Aktibong Pagkamamamayan kung saan isinusulong ang responsableng pagboto ng mga benepisyaryo ng programa.